41,918 total views
Nanawagan ang humanitarian at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa pananampalataya, pagkakawanggawa, at pagkilos, habang hinaharap ang mga pagsubok dulot ng pananalasa ng bagyong Tino at ng isa pang sama ng panahong papalapit sa bansa.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Caritas Philippines, ang kahandaan at malasakit ng bawat isa ang tunay na sukatan ng pagkatao bilang isang sambayanan.
“Let us help one another—volunteer, share what we can, and pray for those affected,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Hinimok ng Caritas Philippines ang mga parokya, diocesan social action centers, civil society organizations, at mga volunteer na magtulungan sa pagbabahagi ng agarang tulong at serbisyong pangkomunidad sa mga nasalanta.
Tiniyak din ng humanitarian arm ng simbahan ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na simbahan at organisasyon upang maghatid ng tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan, kabuhayan, at kapanatagan.
Kasabay nito, umapela si Bishop Bagaforo sa mga civil society at people’s organizations na magkaisa sa paghahatid ng relief operations bilang pagpapakita ng diwa ng bayanihan at solidarity
“When we stand together—when we pray, give, and serve together—we become instruments of God’s mercy. Gold is tested by fire, and our faith is refined through trials. May this be a time of renewed commitment to love and service,” saad ni Bishop Bagaforo.
Nanawagan din ang Caritas Philippines ng patuloy na pananalangin para sa kaligtasan at katatagan ng mga apektado ng kalamidad, at maghatid ng suporta sa pamamagitan ng donasyon, volunteer work, o mga gawaing pangkomunidad.




