498 total views
Pinalalawak ng Colegio de San Juan de Letran ang paglilingkod sa mamamayan hindi lamang sa pang edukasyong paghuhubog kundi maging sa pagpapatibay ng pamilyang Filipino.
Ayon kay Assistant Professor Jenny Villar, Co-Chairperson ng Quadricentennial Celebration ng institusyon, ihahandog ng Colegio de San Juan de Letran ang libreng kasalang bayan bilang pakikiisa sa adbokasiya ng Simbahang Katolika na nagpapahalaga sa pamilya.
“Part of our Quadricentennial Celebration ito’ng kasalang bayan, to give assistance, part po ng pastoral ministry natin especially those couples who are already living together na hindi blessed sa simbahang katolika,” pahayag ni Villar sa Radio Veritas.
Sinabi ni Villar na simula 2015 may mga programang inilatag ang Letran bilang paghahanda sa ikaapat na sentenaryo ng pagkakatatag ng institusyon kung saan ngayong Nobyembre inaasahang magtatapos ang buong pagdiriwang.
Isinusulong ng institusyon ang kasalang bayan bilang bahagi ng pastoral ministry upang abutin ang mga mag-asawang hindi pa nakatanggap ng sakramento ng kasal dulot na rin sa kahirapan.
“Proper to give this [kasal] for free para mabigyan ng libreng serbisyo patungkol po sa spiritual ang ating mga constituents,” saad ni Villar.
Gaganapin ang mass wedding sa ika – 2 ng Mayo 2020 sa Colegio Chape sa Intramuros Manila ganap na alas kuwatro ng hapon.
Bagamat bukas ito sa publiko, pangunahing hinimok ng pamunuan na makinabang sa libreng kasalang bayan ang mga manggagawa sa nasabing paaralan at ang mga partner communities kung saan maglalaan ng 40 mag-asawa bilang benepisyaryo.
Sa mga nais maging bahagi sa programa ay ihanda na ang ilang dokumento tulad ng: PSA copy of the birth certificate – Photocopy of the baptismal certificate (Binyag) – Photocopy of the confirmation certificate (Kumpil) – CENOMAR (Certificate of no marriage) – 2×2 picture each – At least 18 years old o makipag-uganayan sa (02) 8525-0398 o magpadala ng email sa [email protected].
“Inaanyayahan po namin ang mga couples na nagsasama na wala pang basbas ng simbahan na mag-participate po sa aming kasalang bayan,” ayon kay Villar.
Bukod sa kasalang bayan, isasagawa rin ang libreng binyag at kumpil ng Colegio de San Juan de Letran sa ika – 24 ng Hunyo kasabay ng kapistahan ni San Juan Bautista.