618 total views
Mga Kapanalig, sa halip na “gumawa ng anuman [para] sa pansariling layunin o pagyayabang,” wika nga sa Filipos 2:3, tayong lahat, “bilang tanda ng pagpapakumbaba”, ay pinaaalalahanang “ituring [nang] higit ang iba kaysa sa [ating] mga sarili.”
Natural sa ating mga tao ang unahin ang ating kapakanan. Laging nariyan din ang tuksong kumilos para sa sariling interes upang makamit ang mga gusto nating makamit, marating ang gusto nating marating, at mangyari ang gusto nating mangyari. Malakas ang tuksong ito sa mga taong makapangyarihan, katulad ng mga nasa gobyerno. Masakit mang tanggapin, ang pamamahala sa ating bansa ay nagiging daan para sa ilan upang magkaroon ng labis pang kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito, sa halip na gamitin sa paglilingkod sa taumbayan, ay ginagamit sa pagpapayaman ng kanilang sarili at pamilya, pagpaparami at pagpapalawak ng kanilang mga koneksyon, at pagpapasunod sa mga tao gamit ang takot at karahasan.
Sa paghahangad ng kapangyarihang magagamit para sa sariling kapakanan, hindi na nila pinahahalagahan ang mga katangiang dapat taglay ng mabuting lider ng bayan, katulad ng pagkakaroon ng respeto sa kanilang kapwa. Sa isang demokrasya, hindi maiiwasang may mga magkakasalungat ang pananaw sa mga bagay-bagay o magbabanggaang paninindigan sa mga isyung kinahaharap ng bayan. May mga sasang-ayon at may mga tututol, pero hindi sana ito ginagawang dahilan upang mawala ang respeto ng ating mga lider sa isa’t isa.
Nakamamangha—sa napakanegatibong paraan—kapag lantarang sinasabi ng mga nasa pamahalaang wala silang respeto sa mga kapwa nilang lingkod-bayang ginagampanan lamang ang kanilang trabaho. Para sa kanila, ang pagtatanong kung saan planong gamitin ng isang opisina o ahensya ng gobyerno ang hinihiling nitong badyet ay pagkontra. Ang pagtitiyak na nagagamit ang pera ng bayan sa tamang mga programa at proyekto ay pang-iinsulto. Ang pagbusisi sa pinagkakagastusan ng gobyerno ay pamamahiya. Trabaho lamang ang mga ito, walang personalan, ‘ika nga. Gayunman, personalan naman ang sagot ng mga opisyal natin sa halip na sagutin ang mga lehitimong tanong sa kanila.
Ang nakamamangha ulit—at sa napakanegatibong paraan din—tila ba walang pakialam ang marami sa atin sa kung paano umasta ang mga nasa gobyerno. Sa kanilang mga mata, sikat pa rin ang mga nagsasabing wala silang respeto sa kanilang kapwa lingkod-bayan. Sa kanilang pandinig, katapangan ang hindi pagsagot o ang pagpapatutsada ng mga pulitiko sa itinuturing nilang mga kalaban. Ito ang mas higit na nakababahala, mga Kapanalig.
Maging daan sana ang darating na halalang pambarangay upang pahalagahan nating muli ang isang uri ng pamamahalang interes ng taumbayan ang tunay na nauuna. Sa pagpili natin ng ating mga bagong kapitan at kagawad sa barangay, balikan sana natin ang mga katangiang dapat hinahanap sa mga nais maglingkod sa bayan. Tiyak tayong sa mahigit 96,000 na kandidato sa pagkapunong-barangay at lampas 730,000 na nais maging kagawad, mayroong mga magiging mabuting ehemplo sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa kabataan. Mayroon naman siguro sa kanilang nagpapahalaga sa pagbibigay ng respeto sa iba, kahit pa hindi sila magkakatulad ng mga pinaniniwalaan at pinaninindigan. Sa huli, sa ating mga botante nakasalalay kung makauupo nga sa puwesto ang ganitong uri ng mga lider.
Mga Kapanalig, ang ating pananampalataya, paalala nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, ay laging may malalim na pagnanais na baguhin ang mundo at isalin ang ating mga pinahahalagahan. Kung pinahahalagahan natin ang pagkakaroon ng respeto at pagpapakumbaba, hanapin din sana natin ang mga ito sa ating mga pinuno. Sa pamamagitan ng ating sagradong boto ngayong darating na barangay election at sa mga susunod pang halalan, magluklok tayo ng mga taong magiging mabuting ehemplo para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.