217 total views
March 10, 2020, 1:10PM
Tiwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maging daan ang media sa paghahatid ng mga gawaing makatutulong sa paglago ng espiritwal na buhay ng tao.
Umaasa si Imus Bishop Reynaldo Evangelista, chairman ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs na magamit ang makabagong teknolohiya sa paghahatid ng mabuting Balita ng Panginoon sa sambayanan lalo na ngayong kuwaresma at paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
“Hari nawa ang media, ang makabagong komunikasyon, iba pang paraan ng komunikasyon ay maging Daan upang mailapit sa Diyos ang bawat isa,” pahayag ni Bishop Evangelista sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng Obispo ay kasabay ng pagkansela ng ilang Simbahan partikukar sa ibang mga bansa sa mga gawain ngayong Mahal na Araw bunsod ng banta ng Corona Virus Disease 2019 o COVID 19.
Kaugnay dito, pinalalawak ng Kapanalig na himpilan Veritas 846 ang paghahatid ng mga gawaing pansimbahan ngayong mga Mahal na Araw kung saan bukod sa radyo ay mapapanuod din sa iba’t-ibang social media platform ng himpilan.
Ilan sa mapakikinggan at mapapanuod sa Veritas 846.ph Facebook page ng himpilan ang Chrism Mass at renewal of vows ng mga Pari sa Huwebes Santo gayundin ang Misa sa Huling Hapunan ang tanda ng pagsisimula sa Paschal Triduum; Visita Iglesia online kung saan bibisitahin ang pitong Simbahan sa Metro Manila at karatig lalawigan, sa Biyernes Santo naman ang Pitong Huling Wika ni Hesus at paggunita sa Pagpapakasakit ng Panginoon ganap na alas tres ng hapon.
Habang sa Sabado de Gloria ng Gabi naman ang Bihilya ng Muling Pagkabuhay kung saan napagtagumpayan ni Hesus ang dilim ng kamatayan sa Kanyang Muling Pagkabuhay.
Dahil dito, hinimok ni Bishop Evangelista ang mananampalataya na nangangamba sa kaligtasan ng kanilang kalusugan sa mga malaking pagtitipon na makiisa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang tahanan lalo na ang mga Overseas Filipino Worker.
“Inaanyayahan ko kayo mga minamahal na mga kapatid lalo na kayo ng nagtatrabaho o o may panga ba sa banta ng COVID 19, pwede kayo makasubaybay sa telebisyon o sa Radyo Veritas ng mga gawain ng Simbahan Lalo ngayong Kuwaresma at Mahal na Araw,” Saad ng obispo.
Batay sa tala ng Department Of Health, 24 na ang nagpositibo sa Pilipinas na karamihan ay sa Metro Manila habang inoobserbahan ang daan-daang Filipino na nakitaan ng sintomas ng COVID 19 kabilang na ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.