229 total views
April 4, 2020, 10:48AM
Binigyang diin ni Balanga Bishop Ruperto Santos na dapat magkaisa ang lahat ng mamamayan sa pagtugon sa krisis na idinudulot ng corona virus disease.
Ayon sa obispo, ito ang pagkakataong isantabi ang kritisismo upang mas mabigyang pansin ang pangangailangan ng mamamayan na apektado sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
“This is the time for cooperation, not to be critics; to collaborate, not to be competitors. Let us unite to succeed, work together for eradication of this Covid19,” mensahe ni Bishop Santos.
Iginiit ni Bishop Santos na hindi ito ang pagkakataon upang magbangayan sa halip ay pairalin ang pakikipagkapwa at katapatan partikular na sa mga naninilbihan sa bayan.
Aniya, mahalagang magkaroon ng pagkakaisa ang lahat ng sektor sa lipunan sa paglutas ng suliranin na idinudulot ng COVID 19 sapagkat lahat ay apektado.
“With those bickering which will just divide or confuse our people, it is better to stay calm, conscientious and compassionate,” saad ni Bishop Santos.
Pagbabahagi pa ng obispo na ang simbahan at sangguniang panlalawigan ng Bataan ay nagkaisa at nagtulungan sa pagbibigay ayuda sa mga apektadong pamilya partikular sa paghahatid ng pangunahing pangangailangan ng tao tulad ng pagkain.
“Here in Bataan, the Church and Provincial Capitol, are partners; we consider ourselves as helpmates,” ayon kay Bishop Santos.
Dahil dito, nag-alay ng panalangin ang obispo para sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at sa lahat ng mga lingkod bayan na sa tulong ng Diyos ay magabayan, lalawak ang karunungan at maging ligtas sa pagtugon sa krisis at paghahatid ng serbisyo sa mamamayang nasasakupan.
Kaugnay dito patuloy ang pagkilos ng simbahan upang abutin ang mga mamamayan na labis na apektado dulot ng quarantine kung saan sa pamamagitan ng Caritas Manila at sektor ng mga negosyanteng nagpamahagi ng mahigit isang bilyong pisong halaga ng mga gift certificate partikular sa National Capital Region at karatig lalawigan.