173 total views
Makipagkasundo at huwag gantihan ang kapwa ng isa pang masama.
Tiniyak ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na kung makikinig lang tayo sa salita ni Hesus ay hindi na lalaganap ang karahasan at ang galit sa Pilipinas maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ito ang pinakabuod ng mensahe ng Kanyang Kabunyian sa ginanap na banal na misa sa Manila Cathedral sa lenten recollection ng Missionaries of Charity para sa mga street children at street families sa Metro Manila.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang lahat ay nangangailangan ng paghilom sa ating buhay, sa sarili, sa pamilya at maging sa lipunan.
“Maraming sakit hindi lang ng katawan lalo na ng sama ng loob, sama ng isip, sakit ng ugnayan, mga nakakaaway, sakit ng lipunan na maghihilom kung makikinig lang tayo sa salita ni Hesus, kung tatanggapin natin ang kanyang salita maraming maghihilom. Halimbawa sabi ni Hesus, kapag sinampal ka sa iyong kanang pisngi ay ibigay mo yung kabila,” pahayag ni Cardinal Tagle
Pagninilay pa ni Cardinal Tagle, ang lahat ay kayang pagalingin ni Hesus kung makikinig lamang tayo sa salita ng Diyos.
“Kumapit po tayo sa salita ni Hesus. Ang salita ni Hesus ay makapangyarihan at nagbibigay buhay, ang salita ni Hesus ay buhay, pagkain natin. Sabi nga po hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa salitang namumutawi sa labi ng Diyos.” paanyaya ni Cardinal Tagle
Ipinaalala ng Kanyang Kabunyian na ang paghilom ng lipunan sa anumang karamdaman ay nagsisimula sa pakikinig sa salita ng Diyos, pagsamba sa Diyos at ang pamumuhay ng wagas na hindi na nagkakasala.
Samantala ngayong 2016, ipinagdiwang ng Simbahang Katolika ang taon ng awa at habag para sa patuloy na dumaraming bilang ng mga katoliko sa buong mundo.
Mula sa datos ng 2016 Pontifical Yearbook at 2014 Annuarium Statiticum Ecllessiae ay umaabot na sa 1.27 bilyon ang mga Katoliko sa buong mundo.(Riza Mendoza)