293 total views
Nagpapasalamat ang Parish Priest ng Our Lady of Peace and Good Voyage parish Church sa Caritas Manila sa pagtugon nito sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng sunog sa Tondo, Manila.
Ayon kay Father Jorge Peligro, malaking tulong ang maagap na pagtugon ng Caritas Manila sa mga nasunugan sa bahagi ng Delpan St. sa nasabing lungsod.
Umaabot sa 184 na pamilya ang naapektuhan ng sunog na naganap dakong alas dose y medya ng hating gabi noong ika-9 ng Marso.
Nanawagan naman ang Pari sa iba pang nagnanais tumulong na bukas ang kanilang Simbahan para magsilbing tulay para sa ano mang maibabahagi sa mga nasunugan.
“Nagpapasalamat po kami sa natanggap naming na tulong sa Caritas Manila… kasama na rin sa amin pasasalamat kami po ay patuloy na nanawagan kung sino pa ang pwede pa magpadala sa amin ng tulong pagkain, in kind or in cash, maraming salamat po malaking tulong po yun sa aming mga parishioners patuloy tayo magdasal para sa isa’t-isa maraming salamat po,” pahayag ni Fr. Peligro sa panayam ng Radyo Veritas 846.
Kaugnay nito umaapela si Fr. Peligro sa mamamayan lalo na ang mga nasa kanilang nasasakupan na mag-doble ingat at sumunod sa mga paalala ng mga otoridad upang makaiwas sa sunog.
“Ang advice po natin to prevent future problems related sa sunog sana dobleng-ingat sa bawat tahanan, sa mga parishioners, sana i-double check po kung ano ang advice galing sa mga kinauukulan na maiwasan yun sunog sana bigyan pansin natin at sundin natin”dagdag pa ni Fr. Peligro.
Magugunitang ngayon buwan ng Marso ay ipinagdiriwang sa bansa ang fire prevention month.
Batay sa datos ng Bureau Fire Protection umabot sa mahigit 17-libong sunog ang naitala sa buong bansa noong nakalipas na taon.
Buwan din ng Marso taong 2015 ng masunog ang may halos 2 libong kabahayan sa Parola Compound kung saan anim ang naitalang nasunugan.