332 total views
Nagbabala ang Archdiocese of Manila sa publiko kaugnay sa pekeng Facebook account sa pangalan ni Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula.
Sa pahayag na inilabas ng arkidiyosesis binigyang diin nito na walang kahit na anong uri ng social media platform ang nakapangalan sa Cardinal.
Paalala pa nito sa mamamayan na lahat ng detalye kaugnay sa nalalapit na pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika – 33 arsobispo ng Maynila sa Hunyo 24 ay ilalabas ng Chancery office RCAM.
Ito ay sa pamamagitan ng media arm ng arkidiyosesis tulad ng Archdicoesan Office on Communications, TV Maria, Radio Veritas 846, The Manila Cathedral at sa FB page ng 500 Years of Christianity – Archdiocese of Manila.
Noong Abril nagbabala rin si Cardinal Advincula sa donation scam gamit ang kanyang pangalan kung saan isang solicitation letter ang umiikot sa social media at humihingi ng donasyon para sa installation ng Cardinal.
Mahigpit ang paalala ng simbahang katolika kaugnay sa mga mapanamantalang indibidwal na ginagamit ang simbahan upang manloko ng kapwa para sa sariling interes.
Para sa mga lehetimong transaksyon sa gawain ng arkidiyosesis maaring makipag-ugnayan sa RCAM office sa pamamagitan ng mga official pages ng media arm nito.