1,691 total views
Hinimok ng Divine Mercy Philippines ang mananampalataya na makiisa sa Luzon Apostolic Congress on Mercy (LUACOM) na isasagawa sa April 20 at 21, 2023.
Ayon kay Divine Mercy National Coordinator at Divine Mercy Apostolate Asia Secretary General Fr. Prospero Tenorio, layunin ng LUACOM na paigtingin ang pagbabahagi sa pamayanan ang habag at awa ng Panginoon tungo sa pagbubuklod ng lipunan.
“Sa pamamagitan ng sama-samang pagninilay na ito (LUACOM) tunay tayong magabayan sa paglapit natin sa Diyos at tayo’y matulungang maisabuhay ang mga aral ng pananampalataya, ng pag-asa at pagmamahal sa ating pamayanan at tunay na maghari ang Diyos ng awa at maranasan ang biyaya ng kapayapaan,” pahayag ni Fr. Tenorio sa panayam ng Radio Veritas.
Isasagawa ang LUACOM 2023 sa BarCIE International Center sa La Consolacion University, Malolos Bulacan.
Tampok sa dalawang araw na pagtitipon ang temang “Divine Mercy in Synodality Communion, Participation and Mission”.
Magbabahagi sa LUACOM 2023 ng mga pagninilay ang mga pari na aktibo sa Divine Mercy Apostolate gayundin ang mga personalidad tulad nina Candy Pangilinan, Charee Pineda, Michael Angelo Lobrin, Divine Fresnido, Ray at Jen Apoderado, Jojie Bian Ilagan at Bulacan Governor Daniel Fernando.
Pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang Banal na Eukarsitiya sa unang araw kasama si Malolos Bishop Dennis Villarojo habang si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula naman sa huling araw ng pagtitipon kasama si Balanga Bishop Ruperto Santos ang Episcopal Coordinator ng Divine Mercy Apostolate Asia and Divine Mercy Philippines.
Dadalo rin sa LUACOM 2023 ang missionary of mercy priests na itinalaga ni Pope Francis kung saan maggagawad ito ng sakramento ng pagbabalik loob sa mga nagnanais mangumpisal.