248 total views
Sinimulan na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang encoding ng mga printed election returns para sa kanilang unofficial parallel count.
Itong mga printed election returns ay manu-manong ini-encode ng mga volunteer na mga estudyante at mga kumpanyang kapartner ng PPCRV para sa midterm elections 2019.
Ayon kay Agnes Gervacio Media Director ng PPCRV, ang on-going na encoding ay mga election returns na nagmula sa NCR – San Juan, Pasay, Makati, Maynila na bumubuo sa 5% ng lahat ng election returns sa bansa.
Ang mga printed election returns ay dinadala sa PPRCV command center sa Pope Pius XII via couriers na inaasahang magpapatagal sa proseso.
Inaasahan ng PPCRV na umabot ng dalawang linggo ang encoding ng mga printed election returns para sa kanilang unofficial parallel count.
Bago ito, pinangunahan ni Rev. Fr. Antonio E. Labiao, Jr. Vicar General for Pastoral Affairs ng Diocese of Novaliches ang Banal na Misa para sa mga volunteers ng PPCRV na magsasagawa ng manual encoding.
Sa pagninilay ng Pari, sinabi nitong ang pagboto ng mga kabataang naririto at ang kanilang boluntaryong pagtulong sa pagtitiyak ng patas na halalan ay paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa Panginoon at sa bayan.
Aniya, ang pagpapakita ng pagiging makabayaan ay maituturing na isang gawain ng pagiging bayani dahil ang paglalaan ng panahon at pagiging volunteer ay hindi madaling gawain.
Sa huli, ipinanalangin ni Father Labiao na nawa sa pagsisinula ng encoding para sa unofficial parallel count ng PPCRV ay patuloy na gabayan ng Panginoon ang mga volunteers.