3,673 total views
Mariing kinondena ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang marahas na dispersal ng mga pulis sa mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na nagtatag ng mapayapang barikada bilang pagtutol sa pagmimina ng Woggle Corporation.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, sa halip na papanagutin ang kumpanya sa mga paglabag nito, ang mamamayang nagpapahayag ng kanilang karapatan ang pinuntirya ng pulisya.
“We find it deplorable that instead of holding the mining corporation accountable for their illegal mining activities that lack the consent of affected communities, the police have targeted the protestors,” pahayag ni Garganera.
Kabilang sa mga dinakip sa dispersal noong Biyernes si Joel Abellera, na pinalaya rin kalaunan.
Sa social media post, iginiit ni Abellera na hindi siya nahihiyang makitang nakaposas dahil kanyang ipinaglalaban ang buhay, kabuhayan, kalikasan, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
“Hindi ako mahihiyang makita na nakaposas ako Dahil ang ipinaglalaban ko ay buhay, kabuhayan, kalikasan, at kinabukasan ng ating mga anak at mga apo. Hindi tayo magsasawang ipaglaban ang ating karapatan at labanan ang dayuhang Woggle Corp. mining company. Ganun din, hindi tayo takot ipakita sa mga leaders natin na tahimik [na] nakikipagsabwatan sa mining companies,” ayon kay Abellera.
Samantala, isinagawa rin ngayong araw ang “Motorcade for Hope and Prayer Rally for Nature” bilang bahagi ng Mining Hell Week ng ATM na layong ipanawagan ang pagtigil ng mapaminsalang pagmimina.
Nanawagan naman ang ATM sa administrasyong Marcos at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bawiin ang exploration permit ng Woggle Corporation bilang pagwawasto sa kawalang-katarungan sa mga residente.
““It is unacceptable that those who are disadvantaged are being harassed and intimidated by state agents. Meanwhile, the violations of the mining company are disregarded and their exploitation of natural resources allowed,” Garganera added… We stand firm with the residents and Oyao Village Council in Nueva Vizcaya in their resistance against the destruction of their communities and environment. We fully support their fight for nature and their future!,” saad ni Garganera.
Nauna nang umapela si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa mga halal na opisyal ng lalawigan ng Nueva Vizcaya na manindigan laban sa karahasang nararanasan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte.