246 total views
Inaanyayahan ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation Incorporated ang mga mananampalataya para sa Visita Iglesia sa Huwebes Santo ika-13 ng Abril, 2017.
Ayon kay Father Antonio Zabala Jr, Kura Paroko ng San Sebastian church, layunin ng visita Iglesia na mapalalim ang pananampalataya ng mga Kristiyano at ang pagkilala sa buhay at pagpapakasakit ng Panginoon.
Dagdag pa ng pari, sa pamamagitan ng pagbisita sa San Sebastian Church ay maipababatid sa mga mananampalataya ang kasaysayang nakapaloob sa nag-iisang metal church sa Pilipinas.
“Just as Visita Iglesia is an expression of our devotion, our penitence and our faith, so too is the Minor Basilica of St. Sebastian,” pahayag ni Fr. Zabala.
Nanawagan naman si Father Zabala sa mga mananampalatayang Pilipino na tulungan ang San Sebastian upang makumpuni ang mga kinakalawang na bahagi ng Simbahan.
“We once again rally the faithful to help us in its restoration project so that we can truly affirm the strength of our faith,” Dagdag pa ng pari.
Nabatid na ang San Sebastian church ay 125-taon nang nakatayo sa Plaza Del Carmen, Quiapo, Manila.
Dito rin ginaganap ang taunan at makasaysayang pagdungaw ng mahal na birhen ng Del Carmen sa Poong Hesus tuwing isinasagawa ang Traslacion ng itim na Poong Nazareno.
Aminado si Father Zabala na mahabang panahon at malaking pera ang gugugulin para lubusang mapanumbalik ang matibay na istruktura ng 132-metal columns ng San Sebastian Church.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 30-porsiyento na ang naisasaayos dito, matapos unang ma-restore ang limang columns ng Minor Basilica of San Sebastian.
Photo Credit: © https://en.wikipedia.org/