13,486 total views
Nilinaw ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Santa Ana, Maynila na walang anumang proyekto o aktibidad ang lokal na pamahalaan sa Simbahan.
Ito ang pahayag ng dambana matapos ang naging ulat ni Manila Mayor Isko Moreno na nagkaroon ng “Pagsasaayos ng Sta. Ana National Shrine” sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng lungsod.
Paglilinaw ng pamunuan ng National Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Santa Ana, Maynila, ang kasalukuyang roofing at retrofitting sa Simbahan ay pinondohan ng mga ‘generous benefactors’ ng pambansang dambana at hindi ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Umaasa rin ang pamunuan ng dambana ng paglilinaw mula sa Alkalde upang hindi magdulot ng pagkalito sa mga parokyano ng Simbahan at mga nasasakupang mamamayan ng lungsod.