1,568 total views
Inilunsad na ng Minor Basilica of the Black Nazarene ang opisyal na logo at tema sa Traslacion 2023.
Ito ang unang hakbang sa paghahanda sa taunang kapistahan ng traslacion ng imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno tuwing January 9 na nilalahukan ng milyung-milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tema sa pagdiriwang sa 2023 ang ‘Higit na Mapalad and mga Nakikinig sa Salita ng Diyos at Tumutupad nito’ na hango sa ebanghelyo ni San Lucas chapter 11 verse 28.
Ayon sa Quiapo Church sa ilalim ng pamumuno ni Fr. Rufino Sescon ang logo sa Traslacion 2023 ay hango sa patuloy na paglapit ng mga deboto at mananampalataya sa simbahan lalo na sa karanasan ng dalawang taong pandemya.
Paliwanag ng basilica na ang krus sa logo ay tanda ng kaligtasan ng mamamayan habang ang kulay maroon ay hango sa kasuotan ng Mahal na Poong Nazareno at ang kulay kahel ay simbolo ng liwanag sa pagsapit ng dapi’t hapon.
Ang kampanaryo ng simbahan ang sagisag ng pagtawag sa mananampalataya upang magbuklod sa panalangin habang ang pamilya bilang simbahayan kung saan sa nagdaang pandemya mas umigting ang simbahan sa bawat tahanan.
Tampok din sa logo ng Traslacion 2023 ang simbolo ng Sinodo at Rosaryo bilang pakikiisa sa paghahanda ng simbahan sa Synod on Bishops sa October 2023 at ang patuloy na pakikilakbay ng simbahan sa synodal consultations ng mga diyosesis.
Bilang bansang Pueblo Amante de Maria itinampok ang Santo Rosaryo sapagkat sa pamamagitan ng panalangin ay pinagbuklod ng Mahal na Birhen ang mamamamayan tungo sa landas ni Hesus.
Iginiit ng Quiapo Church na ang Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay isang paraan ng sinodo o sama-samang paglalakbay bilang mananampalataya ni Kristo mula sa iba’t ibang antas ng pamayanan.
Samantala sinasagisag ng mukha ng Poong Nazareno ang liwanag ng pag-asa sa kabila ng mga hamong patuloy kinakaharap ng mundo sa banta ng pandemya, karahasan, kahirapan at kagutuman ay nanatiling si Hesus ang muka ng pag-asa at kapanatagan.