269 total views
Mga Kapanalig, sa dami ng mga pinapatay, tila ba nasanay na tayo—kung hindi man manhid—sa mga balita tungkol sa pagdanak ng dugo sa ating bayan.
Ngunit lubhang nakababahala ang nangyari noong nakaraang linggo kung saan siyam na aktibista sa iba’t ibang probinsya sa Timog Katagalugan ang namatay sa kamay ng mga sundalo at pulis. Sa loob lamang ng isang araw, pinatay ang mga aktibista sa magkakasabay at magkakaugnay na raid na isinagawa ng Philippine National Police (o PNP) at Armed Forces of the Philippines (o AFP). Bahagi iyon ng nagpapatuloy na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (o CPP-NPA).
Dalawang araw bago ang madugong araw na iyon, naglabas ng “shoot-on-sight” order si Pangulong Duterte laban sa mga kasapi ng rebeldeng organisasyon. Sinabihan niya ang mga pulis at sundalong patayin ang mga rebelde kapag makaengkuwentro nila sila. “Make sure you really kill them, and finish them off if they are alive,” utos ng pinakamataas na lider ng pamahalaan. Tiyakin daw ng mga sundalo at pulis na mapapatay nila ang mga rebelde at walang ititirang buháy.
At katulad ng masunuring mga alaga, agad na nagpakitang gilas sa kanilang amo ang ating mga tagapagpatupad ng batas. Ngunit batay sa mga naunang ulat, wala namang engkuwentrong nangyari. Tangan ang mga kinukuwestyon ngayong search warrants, sumugod ang mga sundalo at pulis sa mga bahay at opisina ng mga aktibistang kinabibilangan ng mga nagtatanggol sa kalikasan at nag-oorganisa ng mga maralitang tagaungsod. Katulad ng ikinakatwiran sa tuwing may mga namamatay sa mga drug operations ng mga pulis, nanlaban daw ang mga aktibista kaya sila napatay.
Tama ang sinabi ng grupong Human Rights Watch: hindi malinaw sa kampanya ng pamahalaan laban sa tinatawag na “insurgency” kung sinu-sino ang mga armadong rebelde at ang mga aktibista, lider-manggagawa, at tagapagtanggol ng karapatanng pantao. Ibig sabihin, kahit ang mga nagsusulong ng pagbabago sa mapayapang paraan ay ginagawa na ring target ng mga sundalo at pulis. Ito ang bunga ng walang humpay na red-tagging na ginagawa ng ilan nating lider at tagasuporta ng administrasyon. Nalalagay sa panganib ang buhay ng mga nasa larangan ng adbokasiya—kabilang ang ilang taga-Simbahan—dahil iniuugnay sila sa mga rebeldeng grupong nais tapusin ng pamahalaan.
Sa gitna ng krisis na dala ng pandemyang hindi pa rin natin lubusang natutugunan, heto at nakatuon ang pansin ng administrasyon sa pagpapalaganap ng takot sa ating bansa. Hindi natin kinukunsinti ang paggamit ng karahasan ng mga grupong nagsusulong ng kanilang pinaniniwalaang tamang pagbabago, ngunit hindi rin natin sinusuportahan ang lantarang pagsasantabi sa karapatang pantao at tamang proseso ng batas sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan. Wika nga ni Pope Paul VI, “if you want peace, work for justice.” Kung nais natin ng kapayapaan, kumilos tayo para sa katarungan. Sa inyong palagay, patungo ba sa katarungan ang pagpatay sa mga itinuturing na kalaban ng Estado? Tunay na kapayapaan ba ang bunga ng pananakot maging sa mga tunay na kumikilos para sa isang makatarungang lipunan?
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na maging mga tagapamayapa. Ito ang mababasa natin sa Mateo 5:9: “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.” Huwad ang kapayapaang nakakamit natin kung kaakibat nito ang pagpatay sa ating kapwa, ang pagsasantabi sa kanilang dignidad, at ang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga may tangan nito.
Mga Kapanalig, nakakatakot ang patuloy na pagdanak ng dugo sa ating bayan. Ngunit hindi ito matatapos kung patuloy tayong bulag at bingi sa mga nangyayari sa ating paligid. Hindi ito matatapos kung tayo mismo ay sumasang-ayon sa pamamayani ng takot at karahasan sa ating lipunan.