185 total views
Kinumpirma ng isang stock market at securities analyst ang pag-pullout ng maraming foreign investors ng kanilang investments sa Pilipinas.
Gayunman, ayon kay Astro Del Castillo, walang dapat ikaalarma sa sitwasyon dahil ito ay isang normal na transaksyon ng isang merkado na kailangan nilang tanggalin ang kanilang kita upang ibenta muli ito.
“Totoo yun maraming foreign investments ang umaalis sa atin ngayon eto ay hindi naman alarming normal transaction ito sa isang merkado, matagal na silang bumibili matagal na silang kumikita so now kailangan nilang cash in ang kanilang kinita, need nilang magbenta, sa buong mundo ito hindi lamang sa Pilipinas humihina ang merkado dahil nagkakaroon ng realignment ng portfolio ang ating mga fund managers, yung mga nasa abroad, sa kadahilanang may mga factors sa Amerika na nakaka-impluwensiya sa paggalaw ng global financial market, binabalik nila ang kanilang portfolio fund sa Amerika dahil sa mga paggalaw na ito,” ayon kay Del Castillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ng stock market analyst, inaasahan na rin nila na aabot sa P48 ang palitan ng dolyar sa piso ngayong third quarter ng taon na bukod sa pinakamahinang panahon ito, malapit na rin ang halalan sa Amerika na nakakaapekto ang geopolitical na ito sa balor ng dolares.
“Eto ang talagang rason niyan, number one maalala mo nung nakausap mo ako tungkol sa projection for 2016, naibahagi ko sa inyo ang forecast ko sa peso at ang consensus naming mga ekonomista, ang consensus naming nakikita na talagang mag 48 this year hindi na ito kagulat gulat, expectation namin ito, yan ang realidad, bakit? Talagang may pending increase ng interest rate sa Amerika, and also every time na may risk factor lalo na geopolitical ito ay nakakaapekto sa balor ng dolares, usually yung mga fund managers pupunta at nagtatago na sa dolares so nagkakaron talaga ng demand at tandaan natin every third quarter may demand ang importers so may demand din sa importers, dahil nag-iimbak sila ng imbentaryo ng pambenta nila sa pasko, so third quarter really is a weaker quarter for the year,” ayon pa kay Del Castillo.
Kaugnay nito, inihayag ni Del Castillo na may malaking epekto sa ekonomiya ang sinasabing pahayag ng Pangulong Duterte na puputulin nito ang ugnayang pang-ekonomiya sa Estados Unidos.
Dahil dito, pinayuhan ng stock analyst ang pamahalaan na maglabas ng strategic program na may kinalaman sa ekonomiya.
“Eto eh national policy niya itong relasyon na ito, however, sa tingin namin ang investors mag po focus sa fundamentals, well kung yan ang sinabi niya talagang may epekto yan considering ang US ay biggest trading partner natin, alam natin sa experience natin sa mga transaction sa ibang bansa lalo na yung mga substandard quality ng products and services sa tingin ko hindi maganda talaga kung yan ang economic policy, however, mas maganda kung maglantad na ang gobyerno ng talagang specific o strategic program, eto ay parang national security policy wherein covering defense, food security lahat ng mga industriya Alam namin nakikinig naman siya sa tamang payo sana mabigyan siya ng tamang advise, sana after 100 days may strategic policy na sila sa ekonomiya para hind na malito ang investors. Importanteng marinig din natin ang relasyon na gustong tahakin ng gobyerno,” ayon pa kay de Castillo.
Matatandaang bumagsak sa pinaka-mababang antas sa loob ng 7 taon ang palitan ng piso kontra sa dolyar na nasa P48.25 kahapon.
Ayon sa isang foreign exchange analyst, ang pagsadsad ng piso ay sanhi ng paglabas ng foreign funds sa bansa dahil sa takot ng ilang investors sa mga bagong polisiya ng Duterte administration.
Sa loob ng 3 linggo halos P25 bilyon ang inilabas na ng mga dayuhang namumuhunan mula sa Philippine Stock Market.
Una ng inihayag ni Pope Francis na kinakailangan na ang lahat ng investments pinakikinabangan ng publiko lalo na ng nakararami nang hindi kailanman napapabayaan ang lahat ng sektor maging ang kalikasan.