480 total views
Lawiswis ng Salita,
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni San Pablo Apostol
25 Enero 2017
Gawa ng mga Apostol 22:3-16//Marcos 16:15-18
Kahapon ating pinagnilayan ang katagang “kalooban ng Diyos” na maari lamang nating mabatid kapag tayo’y “pumaloob sa Kanyang kalooban”. Ngayong ating ipinagdiriwang ang “Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo Apostol” o “Conversion of St. Paul,” ibig ko na palawigin pa ang pagninilay sa kalooban ng Diyos dahil malapit sa katagang ito ang isa pang salin ng salitang “conversion”, ang “pagbabalik-loob.” Bawat nagkakasala ay lumalayo mula sa Diyos; kapag siya ay nagsisi at tumalikod sa kasalanan, siya ay “nagbabalik-loob” sa Diyos. Bawat pagbabagong-buhay ay isang pagbabalik-loob sa Diyos na nagpapahayag ng tatlong katotohanan.
Una, bawat pagbabalik-loob ay isang personal na pagtawag at paanyaya mula sa Panginoong Jesus. Batay sa salaysay ni San Pablo, “Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig sa akin, ‘Saulo, Saulo!’”(Gawa 22:7) Araw-araw tayo inaanyayahan ni Jesus na magbalik-loob sa Kanya. Iyong mabatid lamang natin sa ating kalooban na mali ang ating ginagawa o kaya tayo ay kabahan at matakot sa isang masamang gawain, iyon na ang tinig ni Jesus na tumatawag sa atin katulad kay San Pablo. Huwag na nating hintayin pa ang isang “dramatic” o “bonggang” pagkakataon wika nga upang pakinggang ang tawag ng Panginoon katulad nang mahulog sa kanyang kabayo si San Pablo. Hindi ibig ng Diyos na sumadsad pa ang ating buhay sa kasamaan at mawala na ang lahat ng pagkakataong makabalik sa Kanya.
Ikalawa, madalas kapag tayo tinawag ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya ay hindi kaagad maliwanag ang lahat sa atin kaya kailangan natin ng taga-akay: “Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damaso.” (Gawa 22:11) At hindi lamang basta taga-akay ang kailangan natin sa bawat pagbabalik-loob kungdi isang mahusay na gabay katulad ni Ananias na “isang taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan sa Damasco.” (Gawa 22:12) Si Ananias ang ginamit ng Diyos upang mapagaling ang pagkabulag ni San Pablo at malahad sa kanya ang kalooban ng Diyos na mapalaganap ang Mabuting Balita. Makipagkita upang humingi ng payo sa mga pari o madre o isang maaring magpastol sa ating “spiritual journey.”
Ikatlo, bawat tawag sa pagbabalik-loob sa Diyos ay palaging paanyayang pumasok sa isang komunyon o kaisahan kay Jesus at Kanyang pamayanan o komunidad. Ito ang magandang bahagi ng pagtawag kay San Pablo: nagpakilala si Jesus bilang ang mga inuusig na Kristiyano. “Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig? Ako’y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.” (Gawa 22:7,8) Ang totoong pagbabagong-buhay o pagbabalik-loob ay yaong hindi lamang makita ang sarili kungdi makita ang kanyang kaisahan din kay Jesus at sa kapwa-tao. Walang kabuluhan ang ano mang pagpapakabuti ng sarili na nakahiwalay sa Diyos at sa kapwa. Hindi kabutihan kungdi kapalaluan ang walang ibang makita kungdi sarili.
Madaling sabihin ang mga bagay na ito at sadyang mahirap gawin. Subalit kung ating susuriin ang naging buhay ni San Pablo, hindi lamang minsan siyang nagbalik-loob sa Diyos. Isang mahabang proseso ang kanyang pinagdaanan sa kanyang pagbabagong-buhay at katulad natin marahil siya ma’y nagkakasala at umiibis mula sa Panginoon. Ang mahalaga ay ang patuloy niyang pagninilay at pananalangin, ang pagsisikap niyang “pumaloob sa Diyos” upang mabatid at maisakatuparan ang Kanyang Banal na Kalooban na “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita” (Mc.16:15). Mabuti ang Diyos, pumaloob tayo sa Kanya tuwina. Amen.
P. Nicanor F. Lalog II
Parokya ni San Juan Apostol at Ebanghelista
Gov. F. Halili Ave., Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan