450 total views
July 31, 2020, 1:07
Nangangamba si Novaliches Bishop Roberto Gaa sa muling pagbabalik ng mga seminarista sa mga seminaryo hangga’t patuloy pa ring dumarami ang bilang ng mga nahahawaan ng novel coronavirus.
Ayon kay Bishop Gaa, hindi niya nais na mailagay sa panganib ang mga seminarista lalu’t iba ang paraan ng simbahan sa kanilang paghuhubog at pag-aaral sa mga seminaryo.
“Masyadong malaki iyong risk na hindi pa natin nako-control ang virus na ito, paano kung may ma-infect diyan kahit isa? Dahil sa intense ang engagement, the risk is very high. Hindi lang ng infection. Kung maging kritikal iyan, sino ang mananagot diyan? Parang hindi ko matanggap na I will put even one life at risk. I am not willing to put anybody at risk,” ayon kay Bishop Gaa sa Pastoral Visit on-air ng Barangay Simbayanan.
Ang Diyosesis ay may 50 diocesan seminarians na nag-aaral sa St. Vincent, Immaculate Conception, San Carlos at San Jose Seminary.
“Ako nagdecide na hindi muna sila pababalikin… Puwede namang maghintay ng isang taon at hindi naman tayo nagmamadali. What is more important now is mabuhay. So lahat sila distant learning sa bahay lang,” ayon pa kay Bishop Gaa.
Paliwanag pa ng obispo, hindi rin niya gustong maging dahilan ang simbahan, parokya at o ang diyosesis nang mas marami pang tao na mahawa ng pandemya.
Una na ring naitala ng Department of Health (DoH) ang may apat na libong kaso ng Covid-19 sa loob lamang ng isang araw.
Bago naging obispo ng Novaliches si Bishop Gaa ay nagsilbing rector ng Holy Apostles Senior Seminary sa Guadalupe, Makati City.
Gumawa na rin ng panuntunan ang CBCP-Episcopal Commission for Seminaries na pinamumunuan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas kasama na rito ang mahigpit na pagpapairal ng health protocols.
Ayon kay Archbishop Villegas, kinakailangan na tumalima ang mga seminary administration sa ilalim ng pangangasiwa ng obispo na sundin ang itinalagang panuntunan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga panuntunan ng komisyon ang pagbabalik eskwela ng mga seminarista nang hindi sabay-sabay.