4,963 total views
July 31, 2020, 2:46PM
Nagpahayag ng pagkabahala si Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos sa anunsyo ni Department of Energy Secretry Alfonso Cusi na magkakaroon ng malaking hakbang ang bansa kaugnay sa paggamit ng Nuclear energy bilang karagdagang pagkukunan ng enerhiya.
Ito ay matapos bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Inter-agency panel na magsusuri at magbabalangkas ng pamamaraan sa paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Umaasa ang Obispo na magiging transparent ang pamahalaan sa publiko sa gagawing pagsusuri at magiging resulta nito na dapat ay naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mamamayang Filipino.
“We welcome and accept that there is a need for a study but we want them to be transparent, na-open sa public at it will benefit public interest. Dapat din nilang tandaan na ang bansang Russia ay nagsagawa ng pag-aaral sa Bataan Nuclear Power Plant at ang nakita nila ay absolutely outdated at not passable at all. Dangerous ang nuclear sa Bataan and dangegrous ito sa bansa.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na mas dapat tugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa mga medical staff, medical facilities at resources lalo ngayong nahaharap ang bansa sa pangkalusugang krisis bunsod ng coronavirus disease.
“Napakataas ng kaso ng Covid, pero waka tayong capacity, wala tayong mga ospital, medisina,at kulang ang [suporta] sa mga scientist. Doon natin ibuhos ang ating pera, ‘yun ang study na dapat nating bigyan ng priority.” ayon kay Bishop Santos
Matatandaang tinuligsa ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, vice-chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Commission on Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA) ang draft Executive Order ni Cusi na kabilang ang nuclear power sa isusulong ng pamahalaan na pagkukunan ng enerhiya sa bansa.
Ang lalawigan ng Bataan ang tahanan ng Bataan Nuclear Power Plant na natapos noong 1984 at nagkakahalaga ng 2-bilyong dolyar ngunit hindi na nagamit kasunod ng EDSA People Power Revolution.
Batay naman sa pag-aaral ng Department of Energy (DOE), National Power Corporation (NAPOCOR) at Korean Electric Power Company (KEPCO) na aabot sa $1 billion ang magagastos ng pamahalaan sa loob ng apat na taon para sa muling pagbuhay sa 631-megawatt BNPP.