4,560 total views
Hinimok ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David ang mga mananampalataya na pagnilayan ang tunay na diwa ng Kapistahan ng Kristong Hari — ang paghahari ni Kristo na nagpapakita ng mataas na dignidad ng tao.
Ito ang pagninilay ng kardinal sa ika-100 taong pagdiriwang sa Kapistahan ng Paghahari ni Kristo Jesus sa National Shrine of Mary, Queen of Peace o EDSA Shrine noong November 23, 2025.
Ayon kay Cardinal David, isinugo si Kristo upang maghatid ng pag-asa, magpahayag ng Mabuting Balita, magpagaling ng may sakit, magpalaya sa naaapi, magpatawad sa nagkamali at magbigay-buhay sa sangkatauhan.
“Kung Kristiyano tayo, paninindigan natin na walang likas na masamang tao dito sa mundo. We distinguish always between person and action. The person is by nature good. Human beings are by nature good. But we are capable of evil action,” pagninilay ni Cardinal David.
Ipinaliwanag ng kardinal na ang anumang paglapastangan sa dignidad ng tao ay paglapastangan sa Diyos na nahahayag sa karahasan, walang saysay na pagpaslang, pang-aabuso sa kalikasan, at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Binigyang-diin ni Cardinal David na ang trono ni Kristo ay ang krus at ang karatulang “INRI,” na nangangahulugang “Si Hesus, ang Nazareno, Hari ng mga Hudyo,” na dating paratang ay naging tanda ng Kanyang tunay na paghahari.
Aniya, sa pagtingin sa Krus, naroon ang susi ng kaligtasan kung saan natatauhan ang tao, nagsisisi, humihingi ng tawad at nagbabalik-loob.
“Kahit masakit titigan, kailangan pala nating pagmasdan ang biktimang nakapako sa krus upang mamulat tayo sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos na laging handang magbuwis ng buhay para sa ating katubusan. Upang tayo’y mamulat sa ating kahibangan. Upang tayo’y maantig at manangis, upang mahugasan ng luha ang ating mga mata, upang luminaw ang ating paningin at upang makita natin ang likas na dangal ng tao na patuloy na hinahamak,” ayon kay Cardinal David.
Nagbabala din si Cardinal David sa mapaminsalang epekto ng katiwalian na tinawag niyang makamandag at nakamamatay, at hinikayat ang mamamayan na pairalin ang katotohanan, kabutihan, at marangal na pamumuhay.
Panawagan ng kardinal ang pagbabalik-loob sa Panginoon upang manumbalik ang dangal ng bawat Pilipino at maghari ang katotohanan, katarungan at kapayapaan sa bansa.
“Kung tititigan natin Siyang mabuti, mahihimasan tayo. Kung hahayaan nating tumimo sa puso ang Kanyang dugo at sugat, magigising ang ating bayan. Kaya mga kapatid, pagmasdan natin ang hari sa krus. Pagmasdan upang matauhan, magsisi, magbalik loob at magpagaling,” saad ni Cardinal David.
Itinatag noong 1925 ni Pope Pius XI, sa pamamagitan ng ensiklikal na Quas Primas, ang pagdiriwang ng Christ the King upang tugunan ang paglaganap ng sekularismo at ipaalala ang paghahari ni Kristo sa buhay ng tao, sa lipunan at sa pamahalaan.




