3,745 total views
Tayong mga Pilipino, excited talaga pag darating na ang pasko. Setyembre pa lamang, ramdam mo na sa ating bayan ang kapaskuhan. Medyo bawas nga lamang nitong taon dahil nga sa Delta surge, pero ngayon, kitang kita natin, binabawi na ng mga tao ang mga oras na ninakaw ng pandemya. Walang makakapigil sa Pilipino sa pagdiriwang ng pasko.
Kaya lamang, kada taon, kasabay na sumasalubong sa mga tao ang pagtaas ng bilihin tuwing pasko. Lagi na lamang, kailangan nating bantayan ang presyo ng mga pangunahing mga bilihin pati na rin ng mga Christmas staples gaya ng queso de bola. Gaya ng excitement ng mga Filipino, hindi rin mapigilan ang pagtaas ng presyo nila.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kahit papaano, bumagal na rin ang pagtaas ng inflation rate sa ating bansa, o ang antas ng pagtaas ng presyo. Noong Agosto 2021, nasa 4.9% ito. Nitong Setyembre, naging 4.8% na lamang. Nabawasan ng bahagya, pero mataas pa rin ito kapanalig, lalo na sa ordinaryong mamamayan na hindi man lang nadagdagan ang kita o nawalan na ng kita.
Marami ang nababahala dito ngayon dahil tuloy tuloy ang pagsipa ng presyo ng krudo. Baka kasi magdomino-effect dahil kapag tumaas ang krudo, tataas ang transport cost ng mga produkto, na magtutulak na naman ng pagtaas ng presyo ng mga products and services na kailangan ng bayan.
Ang pagtaas ng presyo ay malaking balakid para sa masayang pasko ng maraming Filipino na kay tagal ng naghintay na maging malaya at masaya matapos ang napakahabang quarantine sa ating bansa. Nakakagulat nga lamang na sakto sa pagluwag ng mga mobility restrictions sa ating bansa, tumaas naman ang krudo, pati ang mga presyo ng pangunahing bilihin.
Sa ganitong sitwasyon natin nararamdaman ang tinatawag ni Pope Pius XI na “international imperialism of money” na nabanggit sa Populorum Progressio, bahagi ng ating Catholic Social Teachings. Ang imperialism of money ay bunga ng isang panlipunang sistema na kita o pera ang pangunahing motibo ng pag-iral o existence.
Kapanalig, alam natin na kailangan makabangon ng ating ekonomiya at ng napakaraming mga negosyo ngayon, ngunit mainam din nating maalala na hindi lahat makakabangon kung ang mga batayang produkto at serbisyo ng bayan ay hindi kaya ng ordinaryong bulsa. Sa puntong ito kung kailan napakataas na ng presyo ng bilihin, dapat lagi nating maalala na ang ekonomiya ay dapat laging maglilingkod sa tao (the economy should be at the service of men).