361 total views
Kinaikailangan ng bawat mamamayan na magtulungan upang tuluyang mawakasan ang pandemya.
Ito ang panawagan ni Kalookan Bishop Pablo Virgio David sa publiko kasabay na rin ng paglalagay ng diyosesis ng mga health care desk sa kanilang mga parokya.
Ayon sa Obispo, layunin ng health ministry na tulungan ang health sector sa diocesan level dahil sa dami ng mga nahahawaan ng novel coronavirus.
“So minabuti namin na magtulong-tulong sa home care, kasi yun na lang talaga ang option ng mga tao-ang maghome quarantine,” ayon kay Bishop David.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbuo ng mga volunteers na mula sa health care field na handang makipagtulungan sa parokya at pagtukoy sa mga nangangailangan ng tulong sa kanilang nasasakupan.
Paliwanag ng Obispo, ang health ministry ay magsisilbing pangpuno sa mga kulang lalu’t labis na ang mga pasyente sa mga pagamutan na nagresulta na rin ng five percent mortality rate.
“Kasi sa panahong ito, it’s pointless on putting the blame to anybody. Dapat ang attitude natin pag may kulang, magpuno,” ayon pa sa Obispo sa panayam ng programan Barangay Simbayanan.
Una na ring inilunsad ang Diocese ng Kalookan ang Comfradia de San Roque o CSR na tumututok sa nagbibigay tuon sa Pshycological first aid o counselling; health care monitoring at contact tracing.
Habang ang ‘health ministry’ naman ay ang pagkakaroon ng parehong programa sa lahat ng parokya ng diyosesis.
Ang Diocese ng Kalookan ay binubuo ng 36 na parokya at 15 mission stations.