1,892 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Office on Stewardship ang mananampalataya na pakinggan ang tawag ng Panginoon.
Ayon sa Obispo, bawat binyagang kristiyano ay may nakaatang na tungkuling nararapat gampanan sa mundo.
Umaasa si Bishop Pabillo na matutuhang mapakinggan ng tao ang tinig ng Diyos na tumatawag upang maglingkod sa kanya.
“Palagi nating pinapakinggan ang tawag ng Diyos. Sana nga pinapakinggan natin siya at hindi lang ang gusto natin o ang hilig natin. May gustong ipagagawa ang Diyos sa atin.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Tinuran ng obispo ang taglay na kasanayan ng bawat isa na ipinagkaloob ng Diyos upang gamitin sa pagmimisyon at paglilingkod sa kapwa.
Ito ang mensahe ng opisyal sa paggunita ng World Day of Prayer for Vocations kasabay ng Good Shepherd Sunday nitong April 30.
Sinabi ni Bishop Pabillo na pangunahing bokasyon ng mananampalataya ang pagbubuklod tungo sa pagkakamit ng biyayang handog ng Panginoon habang ang bawat isa ay tinatawag sa kanya-kanyang bokasyon tulad ng pagpapari, relihiyoso o pagpapamilya.
Hinikayat ng punong pastol ng Taytay na palalimin ang pananalangin upang higit mapakinggan ang Diyos na nagsasalita sa tao.
“Ang mas malalim na dasal ay ang ating pakikiisa sa Diyos upang mapakinggan natin ang kanyang sasabihin sa atin.” ani Bishop Pabillo.
Bukod pa rito ang pagbabasa ng Bibliya kung saan nilalaman ang mga Salita ng Diyos na nagbibigay buhay at nagpapalakas sa tao.
Tuwing ikaapat na Linggko ng Pasko ng Pagkabuhay ay ginugunita ng simbahan ang World Day of Prayer for Vocations kung saan ngayong taon tema ng padiriwang ang “Pray the Lord of the harvest to send laborers into his harvest” na hango sa ebanghelyo ni San Mateo at San Lucas.
Apela ng simbahan sa mamamayan na patuloy ipanalangin ang pagkakaroon ng mas maraming bokasyon sa paglilingkod bilang mga pastol ng simbahan sa Pilipinas kung saan sa kasalukuyan ay nasa sampung libo ang mga paring naglingkod sa 80-milyong katoliko.