210 total views
April 2, 2020-1:12pm
Inihayag ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Liturgy na maaring gawing batayan ang mga panuntunan ng CBCP at Vatican hinggil sa mga liturhiya ngayong Semana Santa at Easter triduum sa bawat tahanan.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, may karapatan ang bawat obispo ng mga diysosesis na magbigay ng panuntunan hinggil sa mga gawain ngayong semana santa batay sa sitwasyon ng kanilang lugar.
“Every diocese has its own unique situation so individual bishops for sure have their own instructions depends on their situations; pero mayroong general guidelines coming from the CBCP and Vatican,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Paglilinaw ng obispo hindi siya maaring magbigay ng pangkalahatang pahayag na maaring sundin sa buong Pilipinas sapagkat magkakaiba ang mga alituntuning ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan.
Sa inilabas na panuntunan ng CBCP hinimok nito ang mananampalataya na umantabay sa radyo, telebisyon at sa mga social media platforms habang sumasabay sa mga pagdiriwang lalo na sa paschal triduum.
Sa Linggo ng Palaspas, hinikayat ang mananamapalataya na hawakan ang kanilang mga palaspas o anumang dahon na sumasagisag dito habang binabasa ang mga panalangin ng pagbabasbas at ang pagbasa ng Banal na Kasulatan.
Nagpalabas na rin ang Archdiocesan Liturgical Commission ng Arkidiyosesis ng Maynila ng mga panuntunan at mga dasal na maaring gamitin ng mga pamilya sa pagsunod sa mga banal na pagdiriwang tulad ng Linggo ng Palaspas, Misa sa Huling Hapunan, Ang Pasyon ng Panginoong Hesus at maging sa bihilya ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Layon nitong mabigyan ng gabay ang bawat pamilya habang nakikinig o nanunuod gamit ang iba’t ibang uri ng media.
Sinabi ni Bishop Bendico na mahalagang paigtingin ng mamamayan ang pananalangin ang pinakadiwa ng mga pagdiriwang at pagpapaigting sa ugnayan ng tao sa Diyos.
“We continue our prayers, ang importante dito sa mga celebrations na ito,” ayon kay Bishop Bendico.
Nagpalabas na rin ang Congregation for Divine Worship and the Dicipline of the Sacraments ng Vatican sa pamumuno ni Prefect Cardinal Robert Sarah ng Mass in Time of Pandemic kung saan ilang dasal sa mga misa tulad ng pambungad na panalangin, panalangin sa mga alay at panalangin pagkatapos ng komunyon ay nakatuon sa pandemyang dulot ng COVID 19 maliban na lamang sa mga kapisatahan, araw ng Linggo batay pa rin sa sinasaad ng General Instruction of the Roman Missal (GIRMS).
Bukod dito, tiniyak din ni Bishop Bendico na sumusunod ang simbahang katolika sa mga panuntunang ipinatupad ng pamahalaan bilang hakbang ng pag-iingat laban sa corona virus disease.
“We continue following the instructions and protocol coming from the government especially from the Department of Health,” saad ni Bishop Bendico.