1,929 total views
Napakahalaga ng pagiging mulat ng isang tao ukol sa kanyang karapatan sa murang edad pa lamang. Ang kahalagahan na ito ay binibigyang diin sa kurikula ng elementary education, kung saan sa primary grade levels pa lamang, ang karapatan ng mg bata ay itinuturo na. Sapat na ba ito upang tunay na mapangalagaan ng karapatan ng mga kabataan?
Ayon sa ASEAN Children’s Forum (ACF) at Child Rights Coalition sa kanilang publikasyon noong 2011 na Spaces for Children’s Participation in ASEAN, nag partisipasyon ng mga bata ay isang karapatang pantao. Ito ay nakalahad sa Convention on the Rights of the Child (CRC), kung saan ang ating bansa ay isa sa mga signatories o pumirma. Ayon nga sa Article 12 and 13 nito, dapat masiguro ng mga estado ang karapatan ng mga bata na kaya ng bumuo ng kanilang mga ideya at opinyon na malayang maibahagi ang kanilang mga pananaw. Dapat ding masiguro ng mga estado ang kalayaan ng mga bata na maghanap, tumanggap at magbigay ng mga impormasyon sa pamamagitan ng pagsulat, pagsasalita, sining, o sa kahit ano pa mang paraan o medium na nais nila.
Ang mga bata ay maaring aktibong makilahok sa paghulma ng kanilang buhay mula sa kanilang tahanan pa lamang. Maari rin syang makilahok sa kanyang komunidad, at maging sa lipunan. Kaya lamang maraming balakid dito, lalo na sa ating bansa. Unang una, ang child participation o partisipasyon ng mga bata ay isang bago o malayong konsepto para sa maraming pamilya. Tradisyunal na inaasahan kasi ang mga bata na susunod lamang sa magulang, at ang mga paglahok sa mga gawaing labas sa pamilya ay extra lamang.
Pangalawa, ang kahirapan ay isang malaking balakid sa child participation. Maraming mga kabataan ang napipilitang kumalas sa normal na daloy ng buhay ng bata dahil kailangan nilang tumulong maghanap ng pagkakakitaan para sa pamilya. Pangatlo, kulang din sa kaalaman at kamulatan ang maraming mga magulang ukol sa karapatang pantao. Itinuro man ito sa paaralan, hindi naman linggid sa ating ating kaalaman na marami sa maralita ang maagang iniwan ang pag-aaral para maghanapbuhay.
Sa ating bansa kung saan maraming mga bata ang biktima ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao, ang partisipasyon ng kabataan ay napakahalaga. Base sa pagsasaliksik ng Ecumenical Institute for Labor Education Research (EILER) noong 2015, kalat ang child labor sa mga minahan at plantasyon, kung saan 22.5% sa mga kabahayan sa mga plantation communities ay may child worker, habang ang child labor incidence naman sa mga komunidad na may minahan ay nasa 14%. Ang karaniwang edad ng mga child workers ay 12, ngunit mayroong nagsisimulang magtrabaho ng limang taon pa lamang ang edad. 76% ng mga child laborers ang tumigil na mag-aral at marami sa kanila ay kumakayod ng mga sampu o higit pang oras kada araw.
Kapanalig, ang karapatang pantao ay integral sa ating dignidad, na isa ring prinsipyong tinataguyod ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Ayon nga sa Gaudium et Spes, ang anumang tumatapak sa dignidad ng tao ay lason sa lipunan. Ang isang antidote o lunas sa lason na ito ay ang makabuluhang pakikilahok sa paghulma ng lipunan, isang karapatan na dapat matamo ng mga kabataan.