736 total views
Ito ayon kay Sr. Ramona Tendon, Associate of Notre Dame – Social Action Directress ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu ang ilan lamang sa mga salik at dahilan sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kidnapping incident sa bansa.
Paliwanag ng Madre, hindi mai-aalis ang epekto ng kahirapan sa mga pangunahing dahilan ng pagdukot o kidnapping lalo’t malaking halaga ang maaring makuha bilang kapalit ng mga dinukot na indibidwal.
Inihayag rin ni Sr. Tendon na kaya rin mataas ang insidente ng kidnapping sa Jolo ay dahil na rin sa marami pa ang mayayabong at masusukal na kagubatan sa lalawigan na pangunahing pinagtataguan ng mga kriminal dahil sa hirap pasukin ng mga otoridad.
“Sa Jolo po kasi napakataas ng rate ng kidnapping, kasi doon po dinadala yung mga kini-kidnap alam niyo bakit doon dinadala?, maganda po kasi ang lugar namin, makapakapal po yung forest pa, may mga virgin forest po kami na pwedeng pagtaguan at hindi maabot-abot ng mga in authorities kasi mahirap pong pasukin, ganun po yun…” pahayag ni Sr. Tendon sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, isang taon bago ang nakatakdang halalan naitala mula Enero hanggang Mayo ng 2015, ang may 10-insidente ng kidnapping mula sa Kanluran at Hilangang Mindanao na batay sa Philippine Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) ay kadalasang mas tumataas pa tuwing papalapit ang halalan.
Sa kabila nito, iginiit ni Sr. Tendon na malaking bahagi pa rin ng populasyon ng mga mamamayan sa lalawigan ang tunay na nanghahangad ng kapayapaan mula sa kawalang katarungan sa lipunan at walang humpay na kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao.
Gayunpaman, aminado ang Madre na mahirap rin para sa mga otoridad ang sitwasyon sa Mindanao, lalo’t patuloy na umiiral sa rehiyon ang kulturang Rido na pagdamay maging sa ibang miyembro ng pamilya ng nakaalitan o tila ubusan ng lahi.
Dahil dito aniya, hindi na nakapagtataka na hindi agad tuluyang mapuksa ng mga otoridad ang krimen at kaguluhan sa mga lalawigan.
“infairness naman po mga pasaway lang po ang pinag-uusapan natin pero infairness marami naman po sa kanila ay mabubuti at nag-aasam din po ng kapayapaan, pagod na din po sila kaya lang po nandyan po kasi yung takot at yung Rido na culture nila, na yung babalikan yung pamilya nila ubusan ng lahi pero hindi nauubos kasi kaya ganun, kaya po ang nangyayari dyan takot sila na baka balikan yung pamilya, yun po yung takot na yun kasi po yung law enforcer naman po natin ay syempre natatakot din sila sa buhay nila na yung pamilya nila ay balikan, so it is para bang it is a reaping effect of that thing, and it is on-going…” dagdag pa ni Sr. Tendon.
Kaugnay nito, una ng naitala ng Internal Displacement Monitoring Center ang may 1.9 na milyong tao na naapektuhan ng may 40 taon ng kaguluhan at hidwaan sa Mindanao.
Magugunitang, una na ngang nagpahayag si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, ng kanyang pagnanais na tutukan ang pagsulong ng kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao, at patuloy na gampanan ang pagiging Peace Advocate sa pamamagitan ng tahimik at payak na paraan.