1,322 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa ika-19 na Linggo ng KP, 17 Agosto 2023, Mat 18:21-35
Tungkol sa patawad ang ebanghelyo ngayon. Patawad na binawi. Nagpatawad na ang amo sa katiwala niyang may malaking utang, pero binawi niya sa bandang huli.
Ikinwento ni Hesus and talinghaga bilang sagot sa tanong ni Pedro: ilang beses ba ako magpapatawad sa kapwa kong paulit-ulit kung magkasala? May sagot na agad sa sariling tanong niya; ang suggested limit niya—seven times.
Parang medyo salungat ang parable sa sagot ni Hesus sa tanong ni Pedro. Di ba ang sagot ni Hesus, “Hindi pito kundi makapitumpung beses na pito.” Ibig sabihin walang limit. Ganoon pala e bakit ngayon kinukwento niya ang among nagpatawad pero binawi ito? Di ba niya nilimit ang patawad?
Ang palagay kong susi para makuha ang punto ng parable ay ang sinasabi natin sa Ama Namin: “Patawarin mo ang aming mga sala gaya nang pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.” Laging dalawa ang direksyon ng patawad sa pananampalatayang Kristiyano: ang humingi ng tawad at magpatawad. Laging magkasama ang dalawa. Para bang sinasabi natin, “Lord, kung di ako marunong magpatawad, huwag nyo rin akong patawarin.” Seriously?
Ganito ang punto ng parable. Pinatawad ang katiwala sa malaki niyang pagkakautang dahil nagmakaawa. Pero hindi nito mapatawad ang kapwa alipin niya sa di-hamak na mas maliit na pagkakautang. Pinagbuhatan pa ng kamay at ipinakulong. Oo, mercy o awa ang patakaran, pero hindi maihihiwalay ang mercy sa justice. Humihingi ka ng awa pero di ka marunong maawa? Para sa sarili awa ang hiniling mong patakaran, pero para sa kapwa justice ang gusto mo? Kaya binawi ng amo ang mercy at sinunod ang patakaran ng justice dahil ito ang gusto mo. Justice ang patakaran hangga’t tayo mismo ay hindi natututong maging maawain.
Ito rin ang punto ng kasabihan, “Ang panukat mo sa kapwa ay siya ring gagamiting panukat sa iyo.” Ang hindi makapagpatawad sa mas maliit na pagkakasala ng kapwa ay walang karapatan na humingi ng tawad para sa mas malaking pagkakasala. Sa ugaling ipinakita ng katulong sa kapwa katulong, parang siya na rin ang nagbigay sa Panginoon ng panukat sa patawad na pwede niyang tanggapin. Kapag binigyan natin ng hangganan ang ating patawad sa kapwa, parang nilagyan natin ng hangganan ang kakayahan ng Diyos na patawarin tayo.
Sa aklat ng Levitiko, sabi ni Moises sa bayang Israel: “Maging banal kayo sapagkat ang Panginoong ating Diyos ay banal.” Ito ang konsepto niya ng tamang “Pakikitulad sa Diyos.” Kay San Mateo, “Maging ganap kayo kung paanong ang inyong Ama sa langit ay ganap.” Pero sa version ni San Lukas, “Maging mahabagin kayo kung paanong ang inyong Ama sa langit ay mahabagin.”
Ano ang madalas pumigil sa pagiging mahabagin ng tao? Kadalasan ito ay may kinalaman sa mga alaala ng mga lumipas na trauma ng pagiging biktima ng kalupitan. Kaya nga sa Lumang Tipan ang batayang prinsipyo ng katarungan ay patas na gantihan. Sa Latin LEX TALIONIS: batas ng paghihiganti. Na hindi daw dapat masobrahan ang paghihiganti, na dapat patas lang. “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ito rin ang batayan para sa death penalty sa bibliya: “Buhay ang kapalit ng buhay.” Imbes na maging paraan ng para mabawasan ang krimen, naging paraan naman ito para mang-abuso ang mga nasa poder.
Kaya kinwestiyon ito ni Hesus: “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan, siya ang maunang bumato sa nagkasala.” Parang ito rin ang punto ng linya sa Salmo 130, “Kung tatandaan mo, Panginoon ang mga atraso namin, sino kaya ang maiiwan sa amin?” Kaya binago niya sng prinsipyo: “Dati mata sa mata, ngipin sa ngipin. Ngayon, huwag gumanti. Huwag balikan ng suntok ang sumuntok . Pag-aralang mahalin kahit ang nga nakasakit sa atin kung ibig ninyong maging mga anak ng Diyos. Namumuhi siya sa kasalanan pero mahal pa rin niya ang nagkasala. Hindi niya sila igi-give up. Laging mabuti ang hangad niya para sa kanila.
Kung minsan may nagsasabi, “Paano ko patatawarin ang hindi naman humihingi ng tawad? Ano ang silbi nito? Ang sagot, “Ang patawad ay hindi lang para sa pinatatawad kundi para din sa nagpapatawad. Hindi mo lang ginagawa para palayain ang nagkasala sa iyo sa kanyang atraso. Ginagawa mo rin para mapalaya ang sarili mula sa bilangguan ng galit at hinanakit. Ito’y pabor para sa atin ding sarili; hindi mo hinahayaang manatili ang sarili mo sa pagiging biktima.”
Ang kasalanan kasi ay parang kumunoy. Kaya pag tinanong natin kung ilang beses ba dapat magpapatawad sa kapatid na nagkasala, para na rin nating tinanong, ilang beses bang ililigtas ng isang ama ang anak niyang paulit-ulit na nahuhulog sa kumunoy?Para kay Hesus, katawa-tawa ang tanong na ganito. Kaya katawa-tawa din ang sagot niya: “Hindi pito kundi makapitumpung beses na pito.”
Sa Rwanda, halos 1 million katao sa tribong Tutsi ang pinatay noong mga 25 years ago.Malalim ang mga sugat na nananatili sa pagitan ng magkabilang tribu ng Hutus at Tutsi. Para sa presidente ng Rwanda, si Paul Kagame, walang magtatapos sa paulit-ulit at paikot-ikot na gulong ng karahasan at gantihan kundi ang PATAWAD. Kaya nagreact sa kanya ang mga survivors na biktima—bakit daw ba sa kanila pa pinabubuhat ang pasanin ng responsibilidad para sa paghilom ng kanilang bansa? Ang sagot niya ay, “Napakasakit talaga ng ganitong tanong, pero malinaw sa akin ang sagot. Ang mga survivors lang ang meron pang natitira na pwedeng ibigay: ito ang kanilang patawad. “