2,925 total views
Ikinagalak ng Green Livelihoods Alliance Philippines ang ipinataw na Writ of Kalikasan ng Supreme Court laban sa pagmimina sa bahagi ng Mt. Mantalingahan Protected Landscape sa lalawigan ng Palawan.
Ipinag-utos ito ng Korte Suprema sa Department of Environment and Natural Resources, Mines and Geosciences Bureau, Ipilan Nickel Corporation and Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation (Celestial Mining) upang magbigay ng katibayan para mapawi ang mga alalahanin hinggil sa pinsalang maidudulot ng pagmimina sa iniingatang yaman.
Ayon kay Atty. Grizelda Mayo-Anda, founder ng Environmental Legal Assistance Center na miyembro ng GLA Philippines, magandang hakbang ito ng Korte Suprema upang mapagtuunan ang maaaring idulot na pinsala ng pagmimina sa kalikasan at mga residente ng Brooke’s Point, Palawan.
“The Supreme Court’s issuance of a Writ of Kalikasan involving the province of Palawan is a good precedent that recognized the possibility of serious and irreversible harm on the environment and inhabitants of Brooke’s Point located in the Mt. Mantalingahan Mountain Range as well as the significance of the forests and biodiversity of MMPL, and its value to areas outside of the province.” pahayag ni Anda.
Dagdag ni Anda, maaari din itong maging halimbawa para sa iba pang kasong may kaugnayan sa pagmimina, at mapangalagaan ang mga likas na yaman ng lalawigan.
Una nang naglabas ng Cease and Desist Order ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) laban sa Celestial Mining na hawak ng Ipilan Nickel Corporation, matapos ang panawagan ng mga katutubo upang ihinto ang lahat ng mining operation at iba pang iregularidad sa lalawigan.
Nanawagan na rin ang Apostolic Vicariates of Puerto Princesa at Taytay upang tuluyang mapahinto ang ilegal na operasyon ng Ipilan Mining dahil sa pinsala at kaguluhang idinulot nito sa kalikasan at buhay ng mga tao.