1,824 total views
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
(Araw ng Kapayapaang Pandaigdig)
Bilang 6, 22-27
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Kami’y iyong kaawaan,
pagpalain, Poong mahal.
Galacia 4, 4-7
Lucas 2, 16-21
Solemnity of Mary, The Holy Mother of God (White)
World Day of Prayer for Peace
UNANG PAGBASA
Bilang 6, 22-27
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ito ang ang sasabihin nila sa pagbebendisyon nila sa mga Israelita:
Pagpalain ka nawa at ingatan ng Panginoon;
nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan;
lingapin ka nawa niya at bigyan ng kapayapaan.
Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbebendisyon sa mga Israelita at pagpapalain ko ang mga ito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Kami’y iyong kaawaan,
pagpalain, Poong mahal.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Kami’y iyong kaawaan,
pagpalain, Poong mahal.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Kami’y iyong kaawaan,
pagpalain, Poong mahal.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Kami’y iyong kaawaan,
pagpalain, Poong mahal.
IKALAWANG PAGBASA
Galacia 4, 4-7
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid:
Noong dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayun, tayo’y mabibilang na mga anak ng Diyos.
Upang ipakilalang kayo’y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo’y makatawag sa kanya ng “Ama! Ama ko!” Kaya’t hindi ka na alipin kundi anak. Sapagkat anak, ikaw ay tagapagmana ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Hebreo 1, 1-2
Aleluya! Aleluya!
N’ong dati’y mga propeta
ngayon nama’y Anak niya
ang sugo ng D’yos na Ama.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Nagmamadali ang mga pastol na lumakad patungong Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya’t isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel.
Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang bata at pinangalanang Hesus – ang pangalang ibinigay ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
(Araw ng Kapayapaang Pandaigdig)
Ngayon ay Araw ng Kapayapaang Pandaigdig. Sa harap ng mahigpit nating pangangailangan sa kapayapaan sa daigdig, ipanalangin natin sa Diyos ang mahalagang kaloob na ito sa pamamagitan ni Mariang Reyna ng Kapayapaan. Manalangin tayo:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa buong Simbahang mag-anak ng Diyos sa lupa: Nawa siya’y maging kasangkapan para sa pakikipagkasundo ng sangkatauhan. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng pinunong panrelihiyon: Nawa magtagumpay sila sa kanilang mga patuloy na pagsisikap sa pagtataguyod ng kapayapaan sa mundo. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng bansa sa mundo, lalo na iyong may digmaan: Nawa matagpuan nila sa kanilang pagkakapatiran ang batayan ng kanilang pagkakasundo. Manalangin tayo!
Para sa ating lipunang tinatampukan ng di pagkakapantay-pantay at pagpapairal ng kanila lamang sariling kapakanan: Nawa lahat ng mamamayan ay lumago sa kanilang kamalayang panlipunan, paggalang sa karapatan ng kanilang kapwa, at malasakit sa kapakanang panlahat. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng Pilipinong mag-anak, lalo na iyong wala nang kapayapaan at pagkakaunawaan: Nawa tulungan sila ng diwa ng panahong ito upang makaraos sila sa kanilang mga kahirapan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumahimik sandali.) Manalangin tayo!
Ama, tulutan Mong pagharian ng Iyong kapayapaan ang aming mga puso at kami’y gawin Mong kasangkapan ng pakikipagkasundo sa aming mag-anak at pamayanan. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus, na Prinsipe ng Kapayapaang nabubuhay at naghaharing walang hanggan.
Amen!