2,571 total views
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Juan 20, 11-18
Tuesday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 36-41
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, sinabi ni Pedro sa mga Judio: “Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa krus – siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!”
Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, at tinanong nila si Pedro at ang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo’y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako’y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo – sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos.”
Marami pa siyang inilahad upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Lumayo kayo sa masamang lahing ito upang kayo’y maligtas.” Kaya’t ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabinyag; at nadagdag sa kanila ang may tatlong libong tao nang araw na iyon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
o kaya: Aleluya.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang ‘yong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Awa’t pag-ibig ng Diyos
sa sangkalupaa’y lubos.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagpapahayag sa atin si Kristo sa kanyang mga makapangyarihang salitang walang hanggan at mga gawang nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, buong pagtitiwala tayong manalangin sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng Panginoong muling nabuhay, iwaksi Mo ang aming mga takot.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na magturo ng katotohanan ni Kristo at labanan ang mga kasamaan ng ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa mundo nawa’y magtaguyod ng pagiging matuwid sa kanilang mga pamahalaan at maging masigasig sa pagsupog ng kasamaan sa mga pamayanang pinangakuan nilang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat na natitipon dito nawa’y manatiling tapat sa ating mga pangako sa Binyag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y magkaroon ng kagalingan sa panghihina ng kanilang katawan at kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makabahagi sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
O Diyos, sa pamamagitan ng Kamatayan ng iyong Anak, ibinigay mo sa amin ang pag-asa sa buhay na walang hanggan. Loobin mo na sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay ay matamo namin ang buhay na aming inaasam. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.