12,579 total views
Martes ng Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Daniel 3, 25. 34-43
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9
Poon, iyong gunitain
ang pag-ibig mo sa amin.
Mateo 18, 21-35
Tuesday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Daniel 3, 25. 34-43
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, tumindig si Azarias at dumalangin: “Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon; huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin. Muli mo kaming kahabagan, alang-alang kay Abraham na iyong minamahal, kay Isaac na iyong lingkod, at kay Israel na iyong pinabanal. Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat. Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa. Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinaka-aba ngayon sa sanlibutan. Wala kaming hari, mga propeta, o mga tagapanguna ngayon. Walang templong mapag-alayan ng mga handog na susunugin, mga hain at kamanyang; wala man lamang lugar na mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo. Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na bagbag ang puso at nagpapakumbaba. Tanggapin mo na kami na parang may dalang mga baka, mga guya at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan. Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog, upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso. Walang nagtiwala sa iyo na nabigo. Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo, sasamba at magpupuri sa iyo. Huwag mo kaming biguin. Yamang ikaw ay maamo at mapagkalinga, kahabagan mo kami at saklolohan. Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas, at sa gayo’y muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9
Poon, iyong gunitain
ang pag-ibig mo sa amin.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, iyong gunitain
ang pag-ibig mo sa amin.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, iyong gunitain
ang pag-ibig mo sa amin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, iyong gunitain
ang pag-ibig mo sa amin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 18, 21-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyung piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ Sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Martes
Manalangin tayo sa Diyos upang tayo, ang kanyang bayang nakararanas ng kanyang pagpapatawad, ay maghatid ng kagalakan ng pagkakasundo sa mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mo kaming tagapaghatid ng iyong kapayapaan.
Ang Simbahang pinalaya ng Dugo ni Kristo nawa’y mamuhay sa pagkakasundo at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Simbahang Kristiyano nawa’y mapagsama sa ilalim ng nag-iisang ebanghelyo ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y matutong magpatawad at umunawa sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ating lahat nawang matutuhan ang habag ni Jesus upang tayo ay makapagpatawad sa isa’t isa mula sa puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng kapayapaan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, lagi mo nawa kaming palakasin ng iyong pag-ibig at habag, at tulungan kaming maghandog ng pagpapatawad sa iba. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.