2,050 total views
Ika-21 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Awit 2, 8-14
o kaya Sofonias 3, 14-18a
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Lucas 1, 39-45
21st of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Awit 2, 8-14
Pagbasa mula sa aklat ng Awit ni Solomon
Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako’y makaniig.
Itong aking mangingibig ay katulad niyong usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana para ako ay makita.
Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang tinuran:
“Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.
Bulaklak sa kaparangan tingna’t namumukadkad na,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo’y humuhuni, kumakanta.
Yaong mga bungang igos ay hinog nang para-para,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
Ika’y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
at nang aking ding marinig ang tinig mong ginintuan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Sofonias 3, 14-18a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias
Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon;
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:
“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tutog ng alpang marilag!
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Emman’wel na hari namin
halina’t kami’y sagipin
at utos mo’y tutuparin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak niyang sinabi, “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI – Ikaanim na Araw
Habang nagninilay sa misteryo ng tuwa ng Pagdalaw, magtuon tayo kina Mariang Kabanal-banalan at Elisabet, at kay Hesus na siyang sanhi ng kanilang kagalakan. Kaisa nila, manalangin tayo:
Panginoon, buksan Mo ang aming puso!
Para sa Simbahang panlahat: Nawa higit niyang pahalagahan ang ginagampanan ng kababaihan sa pamayanang Kristiyano at tuwinang ipagtanggol ang kanilang karangalan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng asawang babae: Nawa sila’y maging kasangkapan ng pagpapakabanal ng kani-kanilang asawa at tagapagtaguyod ng pagkakasundo’t kagalakan sa tahanan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng ina: Nawa palakihin nila ang kani-kanilang anak nang may takot at pagmamahal sa Diyos at maging inspirasyon sa kanila sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng babaeng nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon: Nawa manatili silang tapat sa kanilang mga pangako at para sa mga sumasampalataya’y maging salamin ng kaningningan ng lubos na pagmamahal. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng batang babae: Nawa sila’y maging mapagmahal na anak, mapagpahalaga sa kanilang puri, at nakalaan sa kabutihan ng kapwa. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, makapaghanda nawa kami para sa darating na Pasko, na tulad ng paghahanda ni Elisabet para sa pagsilang ni Juan, at ni Maria para sa pagsilang ni Hesus, na ating Panginoon at Tagapagligtas na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!