2,792 total views
Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Jeremias 18, 18-20
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16
Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
Mateo 20, 17-28
Wednesday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Jeremias 18, 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ang sabi ng mga tao: “Iligpit na natin si Jeremias! May mga saserdote namang magtuturo sa atin, mga pantas na magpapayo, at mga propetang magpapahayag ng salita ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”
Kaya’t nanalangin si Jeremias, “Panginoon, pakinggan mo ang aking dalangin; batid mo ang binabalak ng mga kaaway ko. Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano’t naghanda sila ng hukay upang ako’y mabitag? Natatandaan mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16
Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
O aking patnubay, ako ay iligtas.
sa patibong nila at umang na bitag.
Buhay ko’y nabilin sa ‘yong mga kamay,
ang pagliligtas mo sa aki’y pakamtan;
ikaw ang aming Diyos, na tapat at tunay.
Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
May mga bulungan akong naririnig,
mula sa kaaway sa aking paligid;
sa kanilang balak ako’y nanginginig,
ang binabalangkas, ako ay iligpit.
Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
Ngunit Panginoon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.
Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12
Ang sabi ng Poong mahal:
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”
MABUTING BALITA
Mateo 20, 17-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nasa daan na si Hesus patungong Jerusalem, ibinukod niya ang Labindalawa. Sinabi niya sa kanila, “Aakyat tayo sa Jerusalem. Doo’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba ang Anak ng Tao. Hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain, hahagupitin at ipapako sa krus; ngunit muli siyang bubuhayin sa ikatlong araw.”
Lumapit kay Hesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Hesus. “Ano ang ibig mo?” tanong ni Hesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Makakainom ba kayo sa kopa ng hirap ko?” “Opo”, tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang kopa ng hirap ko ay maiinom nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat na umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Miyerkules
Habang isinasaisip natin ang mga salita ni Jesus na ang pinakadakila ay yaong naglilingkod, manalangin tayo sa Diyos Ama upang pagkalooban tayo ng tunay na diwa ng paglilingkod sa lahat ng tao.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mo kaming mga tunay na lingkod.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging mga tunay na lingkod, kumikilos nang may malasakit na katulad ng ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y gamitin ang kanilang kapangyarihan para sa ikabubuti ng mga mamamayan at iwasan ang alitan at kawalan ng tiwala, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maunawaan na sa mata ng Diyos, hindi sinusukat ang tagumpay sa pamamagitan ng mga pamantayan ng mundo kundi sa paggalang na ibinibigay natin sa ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maunawaan na ang kanilang pagdurusa ay maaaring maging isang biyaya kung ito ay tinitiis bilang pakikiisa kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y matamo ang mga gantimpala ng kanilang mga paghihirap sa lupa sa buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming paglingkuran ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagtulad sa iyong Anak na nag-alay ng kanyang buhay para sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.