2,113 total views
Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 20, 28-38
Salmo 67, 29-30. 33-35a. 35b.-36k
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Juan 17, 11b-19
Wednesday of the Seventh Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 28-38
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa matatanda ng simbahan ng Efeso: “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng kabilang sa kawan, sapagkat inilagay sila ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang simabahan ng Diyos, na kanyang tinubos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang sariling Anak. Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila. Kaya’t mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong tinuruan ko kayo gabi’t araw sa loob ng tatlong taon — at maraming luha ang pinuhunan ko.”
“At ngayo’y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salita na nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Siya ang makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan niya sa lahat ng kanyang pinapaging-banal. Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o pananamit ninuman. Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagpapagal ay dapat ninyong tulungan ang mahihirap. Alalahanin ang mga salita ng Panginoong Hesus: ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak at hinagkan si Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya’y hindi na nila makikita uli. At siya’y inihatid nila sa barko.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 29-30. 33-35a. 35b-36k
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
o kaya: Aleluya.
Sana’y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
ang lakas na ginamit mo noong kami’y isanggalang.
Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
na pati ang mga hari doo’y naghahandog sa iyo.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
awitan ang pagpupuri’t ang Poon ay papurihan!
Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
mula roo’y maririnig ang malakas niyang sigaw!
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
Ipahayag ng balana ang taglay na kalakasan,
siya’y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
‘yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
Kahanga-hanga ang Diyos sa santwaryo niyang banal,
siya ang Diyos ng Israel na sa tana’y nagbibigay
ng kapangyariha’t lakas na kanilang kailangan.
Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo,
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 17, 11b-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Hesus ay tumingala sa langit, nanalangin at ang wika: “Amang banal, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, pangalang ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, kung paanong tayo’y iisa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalang ibinigay mo sa akin. Inalagaan ko sila at ni isa’y walang napahamak, liban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang Kasulatan. Ngunit ngayon, ako’y papunta na sa iyo; at sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Hindi ko idinadalanging alisin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo’y katotohanan. Kung paanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayun din naman, sinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila’y itinalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Habang naghahanda tayo para sa Pentekostes, nalalaman natin na kahit nabubuhay tayo sa mundo, hindi tayo nabibilang sa mundo. Tinatawagan tayo ng katotohanang ito upang manalangin para sa lahat ng tao kaisa ni Kristo na hindi nagnanais na may maligaw ng landas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, italaga mo kami sa iyo.
Ang lahat ng Kristiyano nawa’y sumampalataya sa pag-ibig ng Diyos at makatagpo ng pagkakaisa sa nag-iisang Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y maging saksi sa katotohanan ng kanilang pananampalataya lalo na sa paggamit ng kanilang kapangyarihan at sa pagtupad ng kanilang mga pananagutan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong tapat sa pananampalataya nawa’y magsikap na maging banal sa kanilang araw-araw na pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nangungulila, mga may kapansanan, at maysakit nawa’y magtiwala sa Diyos na nagpapalakas sa kanila sa pamamagitan ng init ng kanyang presensya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mabuhay nang walang hanggan kasama ng Diyos ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Butihing Ama, habang iniibig namin ang isa’t isa, nabubuhay ka sa amin at nagiging ganap ang iyong pag-ibig na nasa amin. Tanggapin mo ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.