263 total views
Pinakikilos ni Apostolic Vicariate of Puerto Palawan Bishop Pedro Arigo ang pamahalaan na panindigan ang pag-aari sa mga isla sa West Philippine Sea upang malaya na muling makapangisda ang mga Pilipino doon.
Sinabi ni Bishop Arigo na kinakailangan pa ring pumagitna ng United Nations upang maunawaang lubusan ng China na walang basehan ang historical rights nila ukol sa pag-aangkin ng teritoryo sa naturang karagatan.
Ipinaalala rin ng Obispo sa China na huwag nitong gamitin ang kanilang kapangyarihan para ipagpilitang tama ang maling pag – angkin ng territorial boundary ng isang mahirap na bansa.
“‘Might is right’, paano natin mababaliktad yun na ‘right is might.’ Karamihan talaga dahil malaki sila ‘might is right’ so they are right because they are mighty. They are powerful kaya wala tayong laban. Bago magawa yan kailangan mag – intervene ng United Nations,” bahagi ng pahayag ni Bishop Arigop sa panayam ng Veritas Patrol.
Pahayag pa ni Bishop Arigo na dahil sa patuloy na pag – angkin ng China sa naturang isla ay halos nakapinsala na ito sa industriya ng mga mangingisda na bumubuo sa limang porsyento ng ekonomiya ng Pilipinas na sumisira sa mga korales at yamang dagat.
“Actually may study na diyan si Sen. Recto na sinasabi niya na we start losing billions worth of marine resources dahil hindi makapangisda ang mga mangingisda natin doon. I’m not yet speaking about the natural gas and oil deposit of that place. Kaya ang dapat asikasuhin ng gobyerno is that they have to do something,” paliwanag pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Una na ring naglabas ang Catholic Bishops Conference of the Philipines ng ‘Oratio Imperata’ o Obiligatory Paryer kaugnay ng krisis na kinakaharap ng Pilipinas sa West Philippines Sea.