409 total views
Nanawagan ng patuloy na pagkakaisa ang Prelatura ng Isabela de Basilan upang higit na matamasa ang kapayapaan sa lalawigan. Ito ang mensahe ni Bishop Leo Dalmao kaugnay sa paglapastangan sa dalawang kapilya sa Lamitan City noong Pebrero 17, kasabay ng paggunita ng ‘Miyercoles de Ceniza’.
Ayon sa obispo, lalo ngayong panahon ng kuwaresma nawa’y umiral ang pagkakapatiran sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya nang hindi masayang ang hakbang ng mga pinuno tungo sa pagbubuklod-buklod.
“Focus pa rin tayo sa unity ng ating lugar; we should be very careful about this not to destroy the efforts of the people, ng mga lider ng ating simbahan, civil society, at pamahalaan na ituloy yung adhikain ng pagkakaisa at kapayapaan,” pahayag ni Bishop Dalmao sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Dalmao, ilang imahe ng santo sa San Isidro Labrador chapel sa Sta. Clara, Lamitan City ang natagpuang putol ang mga ulo sa paligid ng kapilya.
Dalawang katao naman ang pumasok sa San Antonio De Padua chapel sa Little Cebu sa kaparehong lungsod at kinuha ang mga santo bagama’t napigilan ito ng mga residente.
Hinikayat naman ng obispo ang mananampalataya sa mga nabanggit na lugar na bigyang pansin at pangalagaan ang bahay dalanginan kasabay ng pagtiyak na muling pagdalaw sa mga kapilya.
Naniniwala ang obispo na mas higit na marami sa mamamayan ng Basilan ang nagsusumikap na mapaganda ang imahe ng lugar.
“I’m sure na marami ang nagsusumikap na baguhin at pagandahin ang samahan sa lalawigan ng Basilan,” ani Bishop Dalmao. Hamon ng obispo sa bawat mananamapalataya na patuloy ipanalangin ang bawat isa tungo sa kapayapaan lalo ngayong ginugunita ng simbahan ang pagsasakripisyo ni Hesus alang-alang sa katubusan ng sangkatauhan.