3,638 total views
Makatatanggap ng first class relic ni San Isidro Labrador ang San Isidro Labrador Parish sa Makiling Calamba Laguna.
Ayon kay Fr. Francis Eugene Fadul, kura paroko ng parokya mapalad ang dambana sapagkat isa ito sa pagkakalooban ng relic ng santo sa pagtatapos ng pagdiriwang sa 400th Anniversary ng canonization ni San Isidro Labrador.
Naniniwala si Fr. Fadul na makatutulong ang relikya sa higit na paglago ng pananampalataya at debosyon ng mamamayan sa lugar alinsunod sa mga halimbawa ni San Isidro.
“Relics as sacramental help in the growth of the Christian life…it is a reminder of the life and holiness of San Isidro that the faithful must emulate,” pahayag ni Fr. Fadul sa Radio Veritas.
Magandang pagkakataon din ang pagkakaloob ng relikya ng santo sapagkat naghahanda ang dambana sa ika – 25 anibersaryo ng pagkakatatag sa 2025 at isang karangalang mapili ang parokya na pagluluklukan ng ‘kapirasong balat ni San Isidro’ na magiging daan sa ugnayan sa lugar kung saan nakahimlay ang hindi naagnas na katawan nito sa Madrid Spain.
“It is an opportune time for the community to know more about its patron saint and learn how to fulfill God’s will through his example. Since the parish is among the few chosen to receive the relics, it is indeed an honor. It is the presence of the saint amid our community, and it will establish a spiritual tie between the Real Colegiata Iglesia de San Isidro and our parish,” ani Fr. Fadul.
Binuksan sa publiko ang incorrupt remains ni San Isidro noong May 22 hanggang 29 ng nakalipas na taon bilang pagdiriwang sa 400th Anniversary ng pagiging santo.
Bagamat patron ng mga magsasaka sinabi ni Fr. Fadul na si San Isidro rin ay isang huwarang haligi ng tahanang nagtaguyod sa kanyang pamilya na dapat tularan ng mamamayan.
“For us, San Isidro is not just a patron of the farmers. He is also a model father and husband. Since our community is no longer farmland because of the emergence of industrial parks and real estate development, our parish is shifting its focus to the family…Thus, the family of San Isidro is a perfect model of the holiness of Christian homes,” giit ng pari.
Kasalukuyang nasa Spain si Fr. Fadul sa paanyaya ni Madrid Archbishop Cardinal Carlos Osoro Sierra.
Namatay si San Isidro noong November 30, 1172 at naging ganap na santo ng simbahan noong March 12, 1622 kasama nina San Ignacio de Loyola, San Francisco Javier, Santa Teresa ng Avila at San Felipe Neri.