136 total views
Naniniwala ang chaplain ng New Bilibid Prison (NBP) na malaki ang gampanin ng Simbahan sa mga libo – libong sumurender na mga drug pushers and users upang mabigyan ng oportunidad na makapag – bagong buhay at magkaroon ng desenteng trabaho.
Ayon kay NBP spokesman Msgr. Bobby Olaguer, tungkulin rin ng Simbahan na makapagbigay ng materyales na kinakailangan upang maturuan sa rehabilitation program ang mga surrenderers ng vocational and technical jobs.
“Actually itong mga ‘surrenderers,’ pwedeng papelan ng Simbahan yan in terms of program ng rehabilitation yung kapag nag – aaral sila meron silang seminar yung pagbabago ng sarili. Pero at the same time productive sila. Dapat ang Simbahan mag – provide ng mga materials. Halimbawa, paintings tuturuan mag – painting yan bibigyan mo ng pintura yan, bibigyan mo ng mga brush yan, bibigyan mo ng canvass yan… Bukod dun sa technical know-how bukod pa dun sa ethics, mga morals at religious,” bahagi ng pahayag ni Msgr. Olaguer sa panayam ng Veritas Patrol.
Nakikita rin ni Msgr. Olaguer ang malaking kinabukasan na naghihintay sa mga sumukong drug addicts and pushers na makapagsimula muli ng panibagong buhay at umiwas ng muli sa maling gawain.
“Kailangan talaga ang Simbahan ay tumulong sa mga taong ito. Kaya nga sumurender yan meron na silang initial na hangarin na magbago pero bigyan mo sila talaga ng gagawin bukod sa mayroon tayong itinatanim sa isip at sa puso nila mayroon din sa mga kamay nila na may pagkakataon silang magkaroon ng disenteng trabaho,” giit pa ni Msgr. Olaguer sa Radyo Veritas.
Ibinigay naman ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Acosta ang mga inisyal na datos ng mga drug users na nai – turn over na sa mga local government units na nasa 85,589. Habang nasa 6, 191 naman ang mga pushers na boluntaryong sumuko, 86 ang pushers na sumurender na may drugs at 45 drug pushers ang bayolenteng sumuko.
Matagal na ring tumutulong ang Caritas Manila sa programa nitong Caritas Margins sa pagbebenta ng mga produktong gawa ng bilanggo tulad ng paintings, knotted rosaries at marami pang iba.