194 total views
Walang Filipinong nadamay sa magkasunod na kaguluhan sa France at Turkey.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman at assistant secretary Charles Jose, ligtas ang mga Filipino sa Nice France na sinalakay ng isang terorista nang imaneho ang truck nito sa mga taong nanunood ng fireworks display sa Bay of Angles habang balik na sa normal ang sitwasyon sa Turkey matapos matigil ang tangkang kudeta.
“Ligtas naman ang ating mga kababayan sa Nice France… sa kudeta sa Turkey, sa kabutihang palad wala ding Filipino casualty sa coup, na-regain na ang control ni President Erdogan at marami naaresto ayon sa ulat kaugnay ng bigong kudeta,” pahayag ni Jose sa panayam ng Radyo Veritas.
Kinumpirma rin ng DFA spokesman na noong kasagsagan ng kaguluhan, kaagad nagpalabas ng advisory sa mga Filipino ang embahada ng Pilipinas sa dalawang bansa na huwag munang lumabas ng kanilang mga bahay at huwag makisalamuha sa mga protesta para sa kanilang kaligtasan.
“Nagpalabas ng advisory pero ngayong tapos na yan, di naman pwedeng manatili sa bahay ang mga Filipino, gaya sa Ankara, pero ngayong tapos na ang insidente, pwede na sila lumabas,” ayon pa kay Jose.
Tinatayang nasa 13-15 milyon ang mga Filipino sa ibat-ibang mga bansa, 8,500 nasa Turkey.
Sa forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas, aabot sa $26 billion ang magiging personal remittances ngayong taon ng mga OFW na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang personal remittances ay money transfers na hindi dumaan sa mga formal channels tulad ng bangko.
Mariing kinokondena ng Kanyang Kabanalan Francisco ang terorismo dahil sa sinisira nito ang lipunan, ang ekonomiya, dignidad ng tao at pumapatay ng mga inosenteng sibilyan.