338 total views
Umaapela ng panalangin ang kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga migrante
sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo sa selebrasyon ng ika-31 taong National Migrants Sunday.
Sa banal na misa sa San Jose Manggagawa parish sa Tondo, Maynila, ibinahagi ni Cardinal Tagle hindi magandang kalagayan ng napakaraming migranteng Filipino maging internal migrants at external migrants sa bawat sulok
ng mundo gayundin ang mga refugees.
Ipinagdasal ng Kardinal sa Dios na i-adya ang milyun-milyong migrante sa lahat ng masama, ipagsanggalang sila
sa mga tukso at ang mga migrante na biktima ng giyera sa ibat-ibang bahagi ng mundo ay makatagpo
ng kapaypaaan.
Hiniling ni Cardinal Tagle sa lahat na buksan ang mga mata at tulungan ang sinumang migrante na galing sa ibang
bansa at galing sa mga probinsiya.
“Buksan ang ating mga mata sa mga migrante na galing sa ating bansa, galing sa mga probinisya. Dapat tinitingnan natin sila at kung ano ang kaya nating maitulong, itulong. Ang mga kabataan yung mga pumupunta sa malaking siyudad para mag- aral minsan walang pamilya dito, vulnerable sila baka madala ng mga maling barkada at minsan kapag kulang na sa allowance, kulang na sa pang matrikula ay natutukso, pumasok sa mga hindi kaaya-ayang uri
ng buhay.”pahayag ni Cardinal Tagle
Inaasahan ni Cardinal Tagle na ang Simbahan sana ay maging pamilya at maging refugee sa mga walang mapuntahan at walang tumatanggap.
Ayon sa Kardinal, mahalagang ipanalangin natin ang mga migrante na sila ay gabayan ng Diyos sa oras ng kanilang kahinaan at hindi mapagsamantalahan ng sinumang tao at anumang pagkakataon sa kapaligirang natunguhan nila.
Paanyaya pa ni Cardinal Tagle na ipanalangin natin ang mga OFW sa ibat-ibang bansa na makaiwas sa tukso mula sa kanilang nararanasang kalungkutan, pag iisa o pagbabarkada at pagsasayang ng perang pinaghirapan.
“Ipanalangin natin ang ating mga migrants, ipanalangin natin sila kasi maraming tukso, kalungkutan, pangungulila, nag-iisa ka kumikita ka may pera, mga barakada inaaya ka kung saan- saan. Ipanalangin po natin sila, at paalalahanan kung mayroon po kayong pamilyang migrante ay tawagan natin, mayroon namang internet, mayroon namang text, ang salita ng Diyos ay ating ibahagi sa kanila.”pahayag ni Cardinal Tagle
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga Filipino na ihatid sa tamang landas sa pamamagitan ng pagti-text ng mga bible passages, mga turo ng Simbahan at mga element ng katesismo upang mapatatag ang commitment sa Panginoon ng mga OFW.
“Ito po ang mundo ng migration ngayon, puno ng tukso at ang simbahan sana tayo tulad ni Hesus ay humugot ng lakas
sa tunay na Diyos at maging tahanan, pamilya ng mga walang matirhan, ng mga nangungulila at naghahananp ng pamilya.”paanyaya ni Cardinal Tagle
Mula sa datos, na 2.4 na milyong ang mga Overseas Filipino Workers sa buong mundo habang nasa 60-milyon ang refugees at 244-milyong ang mga migrante sa buong mundo.