174 total views
Suportado ng CBCP National Secretariat for Social Action kasama ang iba’t-ibang Diocesan Social Action Centers at mga grupo ng magsasaka si Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Nanawagan ang Simbahang Katolika, kaisa ang iba’t ibang grupo sa Commission on Appointments, na kumpirmahin si Mariano bilang kalihim upang maipagpatuloy nito ang magagandang bagay na nasimulan sa ahensya.
Bilang katibayan, inilahad pa ng CBCP NASSA ang mabubuting gawain ni Mariano na pabor at labis na nakatulong sa mga mahihirap na magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa.
Una na rito ang pakikipagdiyalogo ng kalihim sa iba’t ibang grupo ng mga magsasaka mula sa Negros Occidental, Leyte, Batangas, Capiz, Iloilo, Camarines Sur at Davao.
Bukod dito, tinanggal din ni Mariano ang mga tinaguriang “killer provisions” sa mga Administrative Order ng DAR tulad ng: Administrative Order No. 5, series of 2017 na nagsusulong sa proseso ng Land Acquisition and Distribution at farmer installation sa mga lupang agrikultural kahit na may mga conversion, application o pending acquisition proceedings; ang administrative Order No. 1, series of 2017 na nagsasaad na hindi na kinakailangang kumuha ng Application to Purchase and Farmer’s Undertaking upang kilalanin ang mga farmer-beneficiaries.
Dagdag pa dito, pinairal din ni Mariano ang kapangyarihan ng DAR Secretary na maghain ng Cease and Desist Order o Status Quo order kung kinakailangan sa mga kasong Agraryo.
Dahil dito, malaki ang tiwala ng Simbahan at ng mga magsasaka kay Mariano na maisusulong nito ang Repormang Agraryo, na may pagkiling sa kapakanan ng maliliit na magsasaka, kaalyado man niya o hindi.
Tinatayang 25 Social Action Directors mula sa iba’t ibang Diocese ng bansa ang nagpahayag ng suporta kay Mariano para sa confirmation hearing nito sa Commission on Appointments.
Umaasa naman ang Simbahan na ikokonsidera ng C.A. ang inihaing pahayag ng CBCP NASSA kaisa ang mga magsasaka na naniniwala sa mabuting adhikain ni Mariano para sa bansa.
Ayon sa Compendium of the Social Doctrine of the Church, ang paghahangad at pagkakamit ng kabutihan para sa nakararami ay hindi lamang tungkulin ng bawat indibidwal kundi mas higit na tungkulin ng Estado dahil ang pamahalaan ay nilikha upang pairalin ang makabubuti para sa taumbayan.
Read full statement:
http://www.veritas846.ph/statement-support-ng-cbcp-nassa-kay-dar-sec-mariano/