265 total views
BAHAGI NG HOMILIYA
NI KALOOKAN BISHOP PABLO VIRGILIO DAVID
SA FUNERAL MASS PARA KAY KIAN LOYD DELOS SANTOS
Marahil may mensahe ang Diyos sa ating lahat sa pagkawala ng buhay ni Kian Loyd…ang mga isinigaw,
hindi pagpuksa sa adik at tulak ang solusyon sa problema sa ilegal na droga.
Ang mga adik at tulak ay hindi kalaban kundi mga biktima. Puksain mo man silang lahat magpapatuloy pa rin ang pagpasok ng libo-libong bulto ng shabu sa mga pier natin kung hindi natin matukoy ang pinagmumulan ng ilegal na droga. Ang panawagan ko dito sa Diocese ng Kalookan stop the killings, start the healing. Itigil ang mga patayan, ang paghilom ang simulan. Hilumin natin ang pagkawatak-watak, hilumin natin ang hidwaan ng masasama
at maaanghang na salita. Hilumin natin at iwaksi ang anumang nakapagpapababa sa ating pagkatao.
Mang Zaldy at Aling Lorenzana nakikiramay po kaming lahat sa inyo. Pati ang langit nakikiramay sa inyo. Pero hindi sayang ang buhay ni Kian dahil ipinalit dito ng karahasan at kadumihan. Hindi sayang dahil naging parang tinik na sumundot sa mga natutulog na konsensya ng napakarami. At ang panalangin ko nawa’y pagkalooban ng Diyos ng kapayapaan at katiwasayan ang kaluluwa ni Kian Loyd, gayundin ang mga kaluluwa ng iba pang yumaong biktima nawa’y yakapin sila ng Diyos sa kanyang makaabang pag-ibig. Magpasawalang hanggan Amen.