63,980 total views
Mula sa pagiging tagapagbalita ay naging tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng Panginoon ang ngayo’y kilalang deboto ng Poong Hesus Nazareno-ang TV News personality na si Jiggy Manicad.
Ayon kay Manicad sa panayam ng programang Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas, nagsimula ang kaniyang debosyon taong 2006 matapos ang hindi makakalimutang news coverage na bagama’t naging matagumpay ay naglagay din sa panganib ng kaniyang buhay at naging hamon sa kakayahan bilang isang mamamahayag.
Sinabi pa niya na bilang mamamahayag ay makailang na rin siyang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan kaya’t minarapat niyang ipagpasalamat ang biyaya ng buhay sa Poong Nazareno.
Ayon kay Manicad, taong 2003 nang bumagsak ang kaniyang sinasakyang sa helicopter, 2008 nang mapalibutan ng mga Abu Sayyaf sa Mindanao at 2013 sa coverage ng noo’y Super Bagyong Yolanda na kanyang napagtagumpayang makaligtas.
Nakiisa rin ang Tv Reporter sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno at apat na ulit na nakasubok sa paghawak ng lubid, sabay ang pag-usal ng panalangin.
Isang pagkakataon din ayon kay Manicad na malagay sa panganib ang kanyang buhay nang muntikang mahulog sa drainage sa kasagsagan ng prusisyon na himalang nakaligtas sa katauhan ng kanilang news producer.
Bukod sa pagiging deboto ng Nazareno, sa kasalukuyan si Manicad ay kasapi na rin ng Ministry of the Word ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene o Quiapo Church.
Bagama’t nagretiro na bilang mamamahayag, ngayong Enero ay magsisimula muli ng kaniyang trabaho si Manicad sa bagong network na kaniyang iniaalay sa Poong Nazareno at hindi para sa sarili.
“Pero sa sabi ko nga yung work na gagawin ko, trophy rin siya. Dati kasi nung bata pa ako, kelangan gagandahan ko ang istorya para sa sarili ko. ‘Yung kailangan, meron akong maiuwing trophy, parang karangalan para sa network. Ngayon totally hindi e. Sa akin ang dapat na karangalan, maibibigay ko kay Lord. Kung baga ang benchmark ko, kung excellent yung work ko, hindi siya nakakahiyang i-offer sa Panginoon,” ayon pa kay Manicad.
Giit pa ni Manicad, “It’s a blessing na hindi ako ugod-ugod na tapos nakilala ko si Lord. It’s a blessing na mas bata ako at puwede ko pa na mapagsilbihan Siya, na mai-offer ko ‘yung pwede ko pang gawin sa Kaniya para ma-glorify ko Siya. ‘Yun na ang goal ko e.”