439 total views
Surigao del Sur, Philippines– Pilit pa ring tinutungo ng Diocese of Surigao ang mga liblib na lugar sa lalawigan para matulungan ang mga naapektuhan ng magnitude 6.7 na lindol ilang linggo na ang nakakalipas.
Ayon kay Sherlita Seguis, Social Action Coordinator ng Diocese of Surigao, marami pa ring pamilya na nasa malalayong lugar ang hindi pa rin nakakatanggap ng tulong.
Inihayag ni Seguis na umabot na sa 1,000 pamilya ang kanilang natulungan magmula ng simulan ang kanilang relief operation sa tulong ng iba’t-ibang mga donors.
Aniya nito lamang nakalipas na weekend ay nagsagawa sila ng medical mission kasama ang ilang mga eksperto sa medisina mula sa ibang diyosesis.
“Ang ginawa namin as advised from Bishop [Antonieto Cabajog] una is to disposed lahat [relief] ibigay namin lahat ng natanggap namin dito na goods saka kung ano mang meron dito, kasunod po noon nag-medical mission kami noong Sabado sa mismong area kasi may mga gamot na na-donate at nag tap na lang kami ng Doctors from Cebu and Davao katulong din mga Doctors dito na tumulong sa pag check up at pagbigay ng mga gamot.”ani Seguis sa panayam ng Damay Kapanalig Program.
Aminado naman si Seguis na sa kabila ng pinsala at takot na iniwan ng naganap na lindol ay nanatiling matatag ang pananampalataya ng mga Surigaonon.
Aniya, kasabay ng paggunita sa Ash Wednesday kahapon ay kapansin-pansin ang maraming bilang ng mga mananampalataya na nagtungo sa mga Simbahan sa kabila na ang ilan sa mga ito ay sira-sira ang bahay o hindi pa tuluyang naisasa-ayos.
“Siguro talagang nature ng tao na kapag wala ng ibang kakapitan o malalapitan yun tanging [Poong] May likha, na hindi kayang ibigay ng iba na ma-feel mo na nasa katauhan mo.” Pahayag ng SAC Coordinator ng Diocese of Surigao.
Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development tinatayang umabot sa mahigit 1,600 pamilya ang naapektuhan ng naganap na lindol sa CARAGA Region.(Rowel Garcia)