311 total views
Kusang nang magdeklara ng toll holiday sa buong North Luzon Expressway (NLEX). Ito ang mungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian-vice chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, kaugnay sa patuloy na problema sa NLEX sa mga hindi binabasang Radio Frequency-ID o RFID-stickers ng mga motorista na nagdudulot ng labis na pagsisikip sa paglabas at pagpasok sa mga expressway.
“Ito po ang toll holiday sa buong kahabaan ng NLEX,” ayon kay Senator Gatchalian. Giit ng mambabatas, inamin na rin ng pamunuan ng NLEX na maraming mga RFID readers ang hindi gumagana kaya’t marapat lamang na boluntaryong magdeklara ng toll holiday hangga’t hindi naisasayos ang sistema. “Kung alam mo naman pala na hindi gumagana ang mga (RFID) readers mo, huwag mo nang paganahin at huwag mo nang singilin ang taumbayan. Dahil nagbabayad tayo at binabalik sa atin ay bulok na RFID readers. Hindi naman tama iyon. Payagan mo munang dumaan hangga’t maayos mo itong RFID readers mo,” ayon kay Sen. Gatchalian sa panayam ng Radio Veritas.
Sa lungsod ng Valenzuela, ipinag-utos ni Mayor Rex Gatchalian ang hindi paniningil sa mga tollway na sakop ng lungsod at nagbantang kakanselahin ang business ng NLEX. Ito ay dahil na rin sa epekto ng masikip na lansangan na labis ng nakakaapekto sa publiko gayundin sa daloy ng ekonomiya ng lungsod. Una na ring nagsumite ang mambabatas ng resolusyon sa senado para sa suriin ang Concession Agreement ng toll operators dahil na rin sa mga depektibong RFID system.
Hiling din ng ang paliwanag ng Toll Regulatory Board (TRB) na silang dapat nangangasiwa sa toll operation. Bukod sa hindi binabasang RFID stickers, problema rin sa mga expressway ang pila ng mga sasakyang nagpapalagay ng RFID stickers dahil sa ipinapatupad na cashless transaction sa pagbabayad ng toll fee na ang layunin ay ang mas mabilis na daloy sa kalsada at bilang pag-iingat rin mula sa pagkakahawa-hawa mula novel coronavirus. Sa kabuuan ay tinatayang may higit sa 400-libong sasakyan ang dumaraan sa North Luzon Expressway kada araw.