3,758 total views
Tumaas ang tiwala ng publiko sa mga pangunahing pinuno at institusyon ng pamahalaan batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Hunyo 25 hanggang 29, 2025.
Ayon sa resulta ng survey na kinomisyon ng Stratbase, umabot sa 48% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., o pagtaas ng 10 puntos mula sa 38% noong Mayo.
Samantala, 30% ng mga respondents ang nagsabing may maliit silang tiwala sa Pangulo, habang 21% ang hindi pa tiyak.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, tagapagsalita ng Malacañang, ang pagtaas sa trust rating ni Marcos ay maaaring indikasyon na nakikita na ng taumbayan ang mga hakbang ng administrasyon, sa kabila ng mga batikos mula sa ilang sektor.
Bukod sa ehekutibo, tumaas din ang kumpiyansa ng publiko sa House of Representatives.
Ayon sa parehong survey, umakyat sa 57% ang trust rating ng Kamara—mula sa 34% noong Abril at 49% noong Mayo—ang pinakamataas na naitalang tiwala sa institusyon sa kasaysayan ng SWS.
Ang pagtaas na ito ay iniuugnay sa mas aktibong papel ng Kamara sa mga usaping pambansa gaya ng ekonomiya, kalusugan, edukasyon, at seguridad sa pagkain.
Sa loob ng tatlong taon, nakapagpasa ang Kamara ng mahigit 280 batas, kabilang ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Tatak Pinoy Act, at Trabaho Para sa Bayan Act.
Gayundin ang mga panukalang batas para sa reporma sa kalusugan at edukasyon, maging ang mga programang sumusuporta sa mga manggagawa, seafarers, at mga lugar na apektado ng kaguluhan sa pamamagitan ng Barangay Development Program.
Tumaas din ang personal trust rating ni House Speaker Martin Romualdez, mula 23% noong Abril patungong 34% nitong Hunyo, sa kabila ng mga kontrobersyang kinakaharap ng pamahalaan tulad ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte.
Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, patunay ang mga resultang ito sa mga nakamit ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez nitong nakalipas na tatlong taon.
Habang positibo ang mga numerong ito para sa ehekutibo at lehislatibo, iginiit ng Malacañang na mananatiling nakatuon ang gobyerno sa trabaho.
Ayon kay Castro, “Hindi ito dahilan para magpakampante. Ang serbisyo publiko ay tuloy-tuloy. Walang bakasyon hangga’t may kailangang tugunan ang sambayanan.”