5,896 total views
Ipinaalala ni San Pablo Bishop-designate Marcelino Antonio Maralit, Jr. ang kahalagahan ng pagpaparangal at pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay, gayundin sa mga santong namuhay nang may kabanalan.
Ito ang mensahe ni Bishop Maralit kaugnay sa paggunita sa Undas ngayong taon—ang All Saints’ Day o Araw ng mga Banal sa November 1 at All Souls’ Day o Araw ng mga Yumaong Mahal sa Buhay sa November 2.
Ipinaliwanag ni Bishop Maralit na ang salitang “Undas” ay hango sa salitang Kastilang “Honras,” na nangangahulugang pagpaparangal at paggunita.
Ayon sa obispo na para sa mga Katoliko, ang Undas ay hindi lamang tradisyong pagbisita sa mga puntod kundi isang pagkakataon upang ipakita ang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-alala sa mga yumao bilang bahagi ng Simbahan at pamayanan.
“Ang gawi nating ito bilang mga Katoliko ay patungkol sa “pagpaparangal at pag-alala” sa lugar at halaga ng mga Yumao sa ating buhay at pagiging Simbahan,” pahayag ni Bishop Maralit sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinimok ni Bishop Maralit ang bawat isa na gunitain ang araw ng mga banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin para sa sarili at para sa kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay.
Binanggit ng obispo na ang buhay ng mga santo ay nagsisilbing halimbawa ng kabanalan na dapat tularan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan.
“Humiling tayo sa kanila ng panalangin para sa atin at sa mga mahal nating yumao. Huwag kalimutan ang halimbawa ng kanilang kabanalan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos sa kanilang mga buhay na daan sa kaluwalhatiang walang hanggan,” ayon kay Bishop Maralit.
Dagdag pa rito, inaanyayahan din ni Bishop Maralit ang lahat na bisitahin ang puntod ng mga yumaong mahal sa buhay bilang pagpapakita ng pagmamahal at pag-alala sa kanila.
Gayunman, sakaling hindi pisikal na makabisita, ipinapaalala ng obispo na mas mahalaga ang pananalangin at pag-aalay ng Banal na Misa para sa kanilang kaluluwa.
Sa ganitong paraan, aniya, patuloy na napaparangalan at naaalala ang mga mahal sa buhay, at pinapanatili ang pagkakaugnay sa kanila sa pamamagitan ng pananampalataya.
“Ipagpatuloy ang “pag-alala” sa kanila lalo’t higit sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aalay ng Banal na Misa para sa kanila. At kung hindi man nga natin mapuntahan ang kanilang mga libingan, basta huwag makakalimot na manalangin para sa kanilang mga kaluluwa,” saad ni Bishop Maralit.