170 total views
Malaki ang magiging epekto ng isinasagawang imbestigasyon ng US House of Representatives sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Rose Trajano, Secretary General ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), ang US House Bill na Philippine Human Rights Accountability and Anti-Narcotics Act of 2017 ay naglalayong magpataw ng ilang sanctions sa Pilipinas sakaling mapatunayang may paglabag sa karapatang pantao at Extra Judicial Killings sa bansa.
Inihayag ni Trajano na sakaling mapatunayan ang karahasan ng mga pulis sa gitna ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan ay ipatitigil ng Estados Unidos ang pagpapadala ng armas sa Philippine National Police at pagbibigay ng pagsasanay sa mga Filipinong pulis ng Estados Unidos.
“Ito ay Philippine Human Rights Accountability and Anti-Narcotics Act of 2017, ang pangalan ng bill nila, specifically ang mangyayari doon kapag napatunayan na may human rights violation, at matindi ang Extra Judicial Killings. Una i-stop nila yung mga armas na i-pinoprovide sa PNP, pangalawa ang PNP meron yang mga training sa US, may vetting system na bago ka makarating doon dapat wala kang record ng human right violation.”pahayag ni Trajano sa Radio Veritas.
Bukod dito, inaasahan rin ang pagtulong ng Estados Unidos sa pagbuo ng isang comprehensive public health framework para sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan habang inaasahan rin ang pagkakaloob ng 50-Million US Dollars sa loob ng 2-taon upang maipagpatuloy pa ng Commission on Human Rights at ng mga Human Rights NGO’s ang kanilang gawain sa pagsusulong ng karapatang pantao ng bawat Filipino.
“Pangatlo, tutulong sila sa paggagawa ng isang comprehensive public health framework para sa anti-drug war natin sa Pilipinas at pang-apat, magbibigay sila ng 50-million US Dollar for 2 years tig-25-Million US Dollars para matuloy ng Commission on Human Rights at ng mga NGO’s yung kanilang gawain sa pagpo-promote ng Human Rights…”dagdag pahayag ni Trajano
Kaugnay nito noong ika-20 ng Hulyo, nagsagawa ng pagdinig ang human rights body ng US House of Representatives kaugnay sa epekto ng Anti-Illegal Drugs Campaign o War on Drugs ng Duterte Administration.
Pinangunahan ng Tom Lantos Human Rights Commission ang pagdinig na binubuo ng mga mambabatas na bi-partisan mula sa Democrats at Republicans.
Ayon sa mga mambabatas, naaangkop lamang na suriin ng bansa ang sitwasyon sa Pilipinas upang mabalanse ang diplomatic relation sa bansa at pagtiyak sa pangangalaga ng karapatang pantao lalo’t ang Pilipinas ang nakatatanggap ng pinakamalaking US aid sa Silangang Asya.
Batay sa datos, tinatayang nasa 4.7-bilyong dolyar ang US direct investments ng Estados Unidos sa Pilipinas, habang tinatayang aabot naman sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa America na sinasabing pang-apat sa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2013.
Una nang nanawagan sa pamahalaan ang CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People na palagiang ikonsidera at tiyakin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Filipino sa lahat ng mga desisyon nito sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga bansa.