221 total views
Kinumpirma na ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang nadamay na Pilipino sa naganap na dalawang pagsabog sa Brussels aiport sa bansang Belgium.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Charles Jose, patuloy pa rin nilang pinapa-alalahanan ang mga overseas Filipino workers roon na siguruhin ang kanilang kaligtasan sa patuloy na pakikipag – ugnayan sa mga malalapit na embahada at konsulado roon sa patuloy na banta ng mga terorista sa Europa.
Pinaalalahanan rin nito ang mga O-F-W na maging mapagmatiyag at iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar upang maiwasan ang peligrong dulot ng mga pagsabog.
“Kinumpirma po sa atin ng Brussels na wala naman pong Pilipino na napabiliang sa casualty either injured o namatay po gawa po ng mga pagsabog na nangyari sa Brussels. Para sa ating mga kababayang overseas ay makipag – ugnayan sa mga pinaka – malalapit na embahada o konsulado kung mayroon po silang mga security concerns,” bahagi ng pahayag ni Jose sa Radyo Veritas.
Giit pa ni Jose mas lalo na ring pinaigting ang seguridad ng mga paliparan at pantalan sa bansa lalo na ngayong Semana Santa dahil marami sa mga kababayan natin ang uuwi sa kani – kanilang probinsya.
“Well ang atin pong mga law enforcement agencies,mga security agencies I think ay nagpapatupad po ng mga measures upang paigtingin po ang security and safety ng atin pong mga kababayan sa mga paliparan sa mga seaport lalo na ngayong panahon ng Semana Santa na marami pong mga kababayan natin ang magbabiyahe ang uuwi po sa kani – kanilang mga probinsya,” giit pa ni Jose sa Veritas Patrol.
Tinukoy na ng mga kapulisan sa Belgium na umabot na sa 34 ang nasawi sa naturang pagsabog at 170 naman ang sugatan.
Pinahigpit na rin ang seguridad sa Vatican upang masiguro rin ang kaligtasan ng mga pilgrims doon an darayo sa misa ng Santo Papa.
Nauna na ring nagpa–abot ng pakikiramay ang kanyang kabanalan Francisco sa mga kaanak ng mga nasawi sa Belgium at hinimok ang mga mananampalataya na mag – alay ng panalangin.