229 total views
Ipinag-pasalamat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples (CBCP – ECMI) ang naging ulat ng Department of Foreign Affairs o D-F-A na walang Pilipinong nadamay o nasawi sa nangyaring pagpapasabog sa paliparan sa Brussels, Belgium.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – ECMI na nakikiisa ang sambayanang Pilipino sa pananalangin sa mga nasawi sa naturang trahedya.
Hiniling din ni Bishop Santos na mapagtanto ng mga terorista na walang maidudulot na mabuti ang sigalot at hidwaan kundi pagkamatay ng mga inosenteng tao.
“Salamat naman sa Diyos at walang napahamak sa ating mga Pilipinong manggagawa doon at mga Pilipinong naninirahan doon sa Belgium. Subalit, tayo ay patuloy na nanalangin at ating ipinagkakatiwala sa Diyos sa kanyang kapangyarihan na baguhin ang pag – isip at hipuin ang puso sa mga taong nagtatanim ng galit at poot sa daigdig. At mapagtanto nila na ang kapahamakan , ang karahasan ay walang idudulot na mabuti kundi patuloy na karahasan, kapahamakan at kamatayan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Pinag–iingat rin nito ang mga overseas Filipino workers (O-F-W) na naroon na lalong maging maingat at maging mapag – matiyag sa kanilang kapaligiran.
“Hinihiling natin na ang ating mga Pilipino na naninirahan at naglilingkod, nagta – trabaho sa Belgium ay maging higit na maingat, maging mapag – matiyag sa kanilang sarili at tayo ay kasama nila sa pananalangin na ang Diyos ay kikilos at gumagawa ng paraan upang ang katahimikan, kaayusan at kapayaan ay maghari pa rin sa bawat isa sa atin.”
Nabatid na isa ang Belgium sa mahigit 70 bansa na tinukoy ng ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na “ligtas” puntahan ng mga Pilipino na nais magtrabaho sa labas ng Pilipinas.
Nauna na ring kumaharap sa problema ang bansang Belgium sa relokasyon ng higit 100 libong migrante matapos ang isang emergency meeting ng European Union leaders sa Belgium.